ni Gerard Peter - @Sports | July 26, 2021
Isang open jump shot ang kinana ni Arwind Santos upang tulungang iligtas ang koponang San Miguel Beermen kontra sa agresibong Northport Batang Pier, 88-86, kahapon sa elimination round ng 46th season ng PBA Philippine Cup sa Ynares Arena sa Pasig City.
Mula sa magandang pasa ni Marcio Lassiter ay natagpuan nitong nag-iisa ang 40-anyos na forward upang makamit ng Beermen ang ikalawang sunod na panalo. Sinubukan pang maagaw ng Batang Pier ang panalo mula sa fade away three-point shot ni Kevin Ferrer sa nalalabing 1.2 segundo, ngunit ito’y tumama lang sa board.
Itinanghal na best player si Santos na kumana ng 17 pts na natawagan pa ng crucial na technical foul sa agawan nila sa bola ni Sidney Onwubere sa nalalabing 7.3 segundo, kung saan lamang sa 86-85 ang Beermen, na naidala ni Robert Bolick sa tabla dahil sa technical free throw.
“It’s an ugly finish for us but a win is a win. This is an ugly-beautiful win for us,” wika ni San Miguel coach Leo Austria, tungkol sa hindi magandang fourth quarter nila na tumikada lamang ng 9-points. “There is a resistance from the other team. It’s a lesson learn for us that having a huge lead is not secured dahil kahit sino pwedeng manalo. I think just keep them (Northport) some games they will be a contender,” dagdag ni Austria.
“Sana dire-diretso na yung panalo namin. Salamat sa tiwala ng coaches, sana ma-maintain namin ito at kailangan na hindi maging over confident sa laro kase malalakas din ang kalaban,” pahayag ni Santos.
Naging dikit ang pagtatapos ng unang quarter sa 21-21 na iskor, ngunit dahil sa masigasig na magandang laro ni CJ Perez, na nagtapos ng 18 pts sa laro, naiangat nito ang kalamangan ng Beermen sa 52-45 sa pagtatapos ng kalahati ng laro.