ni Gerard Arce @Sports | August 21, 2024
Mga laro sa Huwebes
(FilOil EcoOil Centre)
1 n.h. – Creamline vs Zus Coffee
3 n.h. – PLDT vs Choco Mucho
5 n.h. – Chery Tiggo vs Petro Gazz
Nagpamalas ng mahusay na atake ang Capital1 Solar Spikers sa pangunguna ng muli ni import Marina Tushova upang dismayahin ang Galeries Tower Highrisers tungo sa 4-set panalo sa bisa ng 25-13, 26-28, 25-22, 25-21 kahapon sa upang tumindi ang paghahanda sa papalapit na quarterfinals ng Premier Volleyball League Reinforced Conference na ginanap sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kumarga ng double-double at game-high 35 puntos ang Russian spiker mula sa 31 atake, tatlong aces at isang block kasama ang 19 excellent receptions para ipakita ang matinding pwersa kaakibat ang kagalingan sa maraming bagay at istratehiyang mga hambalos upang magambala ang diskarte ng Highrisers sa fourth frame.
Kabilang rito ng magkasunod na krusyal na drop shots na nagbigay sa Solar Spikers ng 23-21 na kalamangan at isang off-the-block na butata para siguraduhin ang match point, na sinundan naman ng error ng Galeries mula kay Ysa Jimenez para kunin ang ika-limang panalo na tumagal ng dalawang oras.
Dahil sa nakuhang panalo ay nakabawi ang Solar Spikers mula sa pagkatalo laban sa Farm Fresh Foxies sa nagdaang laban, gayundin ang tapusin ang elimination round na may tangang 5-3 rekord, upang lubusang higitan ang nakuhang kartada sa nagdaang All-Filipino Conference.
Kasalukuyang hawak ng Capital ang No,6 spots papasok ng knockout quarterfinals, subalit sakaling magwagi ang Petro Gazz Angels (4-3) laban sa Chery Tiggo Crossovers (5-2) sa tatlo o apat na sets sa Huwebes ay babagsak ito sa ika-pitong pwesto para tapatan ang No.2 team sa quarters.