ni Gerard Arce @Sports | August 25, 2024
Matunog ang pagbabalik sa bakbakan ni dating 3-division World champion John Riel “Quadro Alas” Casimero kontra kay dating World title challenger Saul “The Beast” Sanchez sa Okt. 13 sa bansang Japan.
Mag-iisang taon ding bakante sa laban ang dating 3-division World champion matapos mauwi sa 4th-round technical draw ang laban kontra sa boxing trainer na si Yukinori Oguni noong Okt. 12, 2023 sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan, matapos ang aksidenteng pagsasalubong ng kanilang mga ulo na nagresulta sa pagkakaroon ng malaking cut sa Japanese boxer tungo sa tuluyang pagpapatigil ng laban.
Bago ang naturang planong laban ay naging laman rin ng iba’t ibang kontrobersiya ang 35-anyos na tubong Ormoc City, Leyte kasama ang kapatid at trainer na si Jason nang mapasok sa bangayan sa kampo ng MP Promotions at president nitong si Sean Gibbons, gayundin ang bulung-bulungan na paghahanap ng bagong boxing promoter na kanila ring pinabulaanan, kung saan kasalukuyan pa rin itong hawak ng Treasure Boxing Promotions ni dating World champion Masayuki Ito.
Kasalukuyang nakapuwesto ang dating World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion (33-4-1, 22KOs) bilang number five ranked sa WBO, No.8 sa World Boxing Council at No.11 sa International Boxing Federation na pare-parehong hawak ni undefeated at two-time undisputed champion Naoya “The Monster” Inoue ng Japan, na nakatakdang itaya lahat ng korona laban kay TJ “The Power” Doheny ng Ireland sa Setyembre 3 sa Ariake Arena.
Naging malamlam ang kasikatan ni Casimero sapol ng mawala sa mga beywang ang WBO title belt at makipaghiwalay ng landas sa MP Promotions matapos labagin ang kautusan ng British Boxing Board of Control sa pagsusuot ng Sauna suit sa nakatakdang laban sana nito kontra Paul Butler, na nagresulta sa pagtanggal ng korona at mauwi sa pagsabak ng Briton kontra Jonas Sultan.