ni Gerard Arce @Sports | September 2, 2024
Kinumpirma ni Premier Volleyball League commissioner Sherwin Malonzo ang pagkatanggap ng pormal na hiling ng PLDT High Speed Hitters na mag-backout na sa Invitationals noon pang Huwebes, mula sa initial semis game day pero hindi natuloy dahil sa power outage.
Ayon naman sa pag-aanalisa ng liga, ang ginawang protesta ng PLDT at pagkatalo ay wala namang kaugnayan sa pasya ng team, nakasentro lang anila ang lahat sa naisin ng team na makapagpahinga at makapagpagaling dahil sa rami ng players nila na may mga injuries.
Una nang nagpahayag ang PLDT na hindi na masisilayan ang kanilang laro sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference. Gayunman, hindi ito dahil sa kontrobersiyal nilang pagkatalo laban sa Akari Chargers sa nakaraang semifinal round sa Reinforced Conference nitong Sabado sa MOA Arena, Pasay City. Una nang lumiham ang High Speed Hitters sa PVL noong nakaraang linggo, ayon sa ulat at aprubado na umano ito ng liga.
Ayon sa source ng PLDT, batbat ng injuries ang kanilang players at hirap na umanong mairaos ang kanilang laro at wala naman anilang kaugnayan ang nangyari noong Sabado. Magpapahinga raw muna ang PLDT matapos ang kanilang bronze medal match ngayong Lunes dahil nais ng team na makapagpagaling muna ang kanilang players mula sa matitinding injuries.
Napuno ng kontrobersiya ang kanilang pagkatalo lalo na sa Set 5 kung saan humiling ang coaching staff ng challenge sa net fault pero hindi tinanggap. Ang semifinalists ng Reinforced Conference ay eligible na maglaro para sa Invitational tilt na nakatakda ngayong darating na Linggo. Pasok na ang Akari, Creamline, Cignal at guest teams Kurashiki Ablaze at EST Cola sa kompetisyon kabilang na ang ipapalit sa team ng PLDT.
Napag-alaman na ang mga injured na players ay sina Fil-Canadian ace Savi Davison at debut spiker Kianna Dy.