ni Gerard Arce @Sports | September 10, 2024
Nakamit ng EST Cola ang kanilang unang panalo sa bisa ng come-from-behind panalo kontra sa Farm Fresh Foxies sa pamamagitan ng 22-25, 25-17, 19-25, 25-20, 17-15 sa pambungad na laro ng 2024 Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kuminang para sa U20 Thai team si Warisara Seetaloed na umiskor ng 33 puntos mula sa 29 atake, kabilang ang tig-dalawang aces at blocks gayundin ang 11 excellent receptions tungo sa unang panalo sa liga matapos ang apat na laro. Sumuporta rin sa Thai team sina Natthawan Phatthaisong sa 18 puntos mula sa 12 atake at tig-tatlong aces at blocks.
Tumulong din sa EST Cola si Nattharika Wasan sa 10 puntos, Sasithorn Jatta sa walong puntos, at Tanyaporn Seeso sa pitong puntos kasama ang 14 excellent digs, habang mahusay ang pamumuno sa opensa ni Panithita Khongnok sa 24 excellent sets at dalawang puntos.
“I’m very, very happy for this first win,” wika ng spiker na si Seetaleod nula sa isang interpreter, para buhatin ang koponan sa kanilang unang panalo sa torneo na inorganisa ng Sports Vision.
Dahil sa nakuhang panalo ay may tsansa ang EST Cola na lumaban sa bronze medal game, habang nalasap ng Farm Fresh ang kanilang ikatlong sunod na pagkatalo at nakatakdang kaharapin pa ang powerhouse na Creamline Coo Smashers sa Miyerkyles.
Tumapos naman para sa Farm Fresh si Asaka Tamaru ng 19 puntos mula sa 18 kills at 22 excellent receptions, gabang sinegundahan ito nina Aprylle Tagsip at Alyssa Bertolano sa 18 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, habang nag-ambag sina sina Caitlyn Viray at Rizza Cruz ng tig-walong puntos.