ni Gerard Arce @Sports | September 12, 2024
Maaaring magbukas muli ang pintuan para kay Filipino mixed-martial artists Danny “King” Kingad para makalaban sa World championships matapos pormal na magretiro ang ONE Flyweight champion na si Demetrious “Mighty Mouse” Johnson nitong nagdaang linggo sa jampacked crowd na 21,000-capacity na Ball Arena sa Denver, Colorado.
Pitong taong hinintay ng No.3 flyweight contender na si Kingad ang pagkakataon na muling makaharap si dating ONE Championship titlist Adriano “Mikinho” Moraes ng Brazil sa pagtalatag ng rematch sa ONE 169: Atlanta na gaganapin sa Nobyembre 8 sa State Farm Arena sa Atlanta, Georgia.
Ito na marahil ang isa sa hinihintay na pagkakataon ng 28-anyos mula Lions Nation MMA fighter na maisakatuparan ang kanyang kagustuhang makalapit sa titulo kasunod ng dalawang beses na pagkabigo laban kay Moraes noong Nobyembre 10, 2017 sa bisa ng first round submission sa SM Mall of Asia Arena, habang muling nadismaya kontra kay Johnson sa unanimous decision noong Oktubre 13, 2019 sa ONE: Century sa Tokyo, Japan. “I’m happy that now the flyweight division can move on. Chatri and the matchmakers can start putting together next, you know, a flyweight championship,” pahayag ni Johnson. “Adriano, and I think it’s Danny Kingad, are fighting next. So they can move on.”
Wala pa mang pinal na kumpirmasyon sa magiging kalalabasan ng 26-pounds gold title, kasalukuyang tangan ni Moraes ang No.1 contender, habang gigil ang tubong Sadanga, Mountain Province na muling makabalik sa tuktok ng tagumpay, na planong makabawi sa nakadidismayang pagkatalo kay Yuya “Little Piranha” Wakamatsu sa ONE 165 nitong Enero 28 sa Tokyo, Japan.
Hawak ni Moraes ang pagiging No.1 ranked sa flyweight division matapos na dalawang beses na matalo kay Johnson sa rematch noong Agosto 27, 2022 sa 4th-round knockout para mawala ang korona nito at sa ikatlong paghaharap noong Mayo 5, 2023 sa ONE Fight Night sa U.S. sa unanimous decision.