ni Gerard Arce @Sports | July 10, 2024
Sinelyuhan ng University of Santo Tomas Junior Golden Tigresses volleyball team ang pagtuntong sa koponan ng nakababatang kapatid ni Gilas Pilipinas standout at NBA dreamer Kai Zachary Sotto na si Erin para makuha ang serbisyo sa 88th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Maituturing na panibagong arsenal ng UST Juniors ang isang lahi na may angkan ng matatangkad para magamit na magpamalas naman sa volleyball court. Nakatakdang magsilbi ng isang taong residency ang 6-foot-3 middle blocker matapos maunang mag-commit sa De La Salle Zobel, habang pormal na kinilala ito ng coaching staff bilang susunod na bigating arsenal sa taraflex court.
Maaaring matugunan din ni Sotto ang puwersang angkin ng Junior Golden Tigresses na kinabibilangan nina Chalsiey Pepito, Aneeza Santos, Lianne Penuliar, Jaila Adrao, Kimberly Rubin at Avril Bron, na pare-pareho ring parte ng Alas Pilipinas Youth squad, habang umakyat sa women’s side si Margaret Altea.
Pormal nang kinilala at tinanggap ang 15-anyos na middle blocker sa Espana-based volleyball squad matapos iharap kay Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) sports director Rev. Fr. Rodel Cansancio O.P, na minsang nasilayan sa WNCAA tournament para sa Zobel volleyball girls.
Marami ring nabigla sa naturang paglipat ng anak ni dating PBA player Ervin Sotto dahil inaakalang magtutuloy ito hanggang sa sistema ni coach Ramil De Jesus para sa women’s division, subalit sinabi ng mga netizen na nanaig pa rin si coach Reyes sa pagsungkit sa future ng Golden Tigresses.
Sakaling magtuloy-tuloy ito hanggang sa collegiate ranks ay maaari itong maging puwersa sa depensa sa angkin nitong tangkad, kasunod na rin ng silver medal finish ng koponan sa nagdaang 86th season, kung saan binansagang “Mini Ms. U” ang mga manlalaro nito.