ni Gerard Arce @Sports | Nov. 19, 2024
File photo
Kuminang sa takbuhan si dating Palarong Pambansang distance runner champion Mia MeaGey Niñura upang makuha ang kauna-unahang double gold medal sa 87th season University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Athletics Championships matapos pagreynahan ang women’s 5,000 meters, Lunes ng umaga sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac.
Dinuplika ng graduating senior mula Kapatagan National High School ang unang gold medal sa 10,000 meters nitong Linggo para dominahin ang paligsahan sa oras na 18:47.33, kontra national triathlete Erika Burgos, na tumapos sa 18:54.90 at kay Jessa Mae Roda ng NU para kumpletuhin ang podium finish sa 19:14.50.
“Ngayong season ang ginagawa ko is gusto kong bumabawi ako for the last season ko. Kasi tapos na ko mag-aral, kumbaga giving back na lang sa Unibersidad ng Pilipinas. Ito ‘yung nagpa-aral sa ‘kin eh at dahil sa university, nakapagtapos ako,” pahayag ng Physical Education graduate, na minsang nag-reyna sa Palarong Pambansa.
Hindi nagpahuli ang pambato ng UST nang pumukol ng gold sa women’s javelin throw mula kay Lanie Carpintero sa distansiyang 47.36 metro.
Samantala sa ilalim ng makulimlim na panahon, nagtala ang Ateneo de Manila University at De La Salle University ng record-breaking performances sa New Clark City Aquatic Center sa Day 1 ng UAAP Swimming Championships kung saan namayani ang bawat koponan nila sa men’s at women’s relay events.
Dinomina ng Ateneo’s Ivo Enot, Rian Tirol, Victoriano Tirol IV, at Nathan Sason ang men’s 4×50-meter Medley Relay sa oras na 1:45.31.
Kumolekta ang Blue Eagles ng 4 golds, 2 silvers, at 2 bronzes sa Day 1. Winasak ng Green Tankers ang UAAP record sa Men’s 4×200-meter Freestyle Relay. Naorasan sina Alexander Chu, Josemaria Roldan, Bryce Barraza, at Reiniel Lagman sa 8:00.19.