ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 16, 2024
Nagkataong dumating ang isang asong pinaaampon sa akin sa gitna ng kontrobersiyang lumaganap dahil sa hindi pagtanggap ng isang kilalang resto sa isang aspin.
Nang tanungin ko ang amo ng asong pinaaampon kung ano ang lahi nito, mabilis niyang sinabing, “Jack Russell po”. Natuwa ako dahil meron akong dalawang Jack Russell na mahigit nang dalawang taon kong inaalagaan. Kaya’t medyo kilala natin ang lahi ng asong pinaaampon sa akin.
Subalit nang dumating ang aso, mabilis nating napansin ang kakaibang katangian nito. Mas mahaba ang mga paa nito. Dahil dito mas matangkad ang aso kaysa sa karaniwang Jack Russell. Ang kaisa-isang katangiang minana ng aso sa kanyang lahi ay ang hugis ng kanyang mukha at ulo. Ulo ng Jack Russell, paa, katawan at buntot ng aspin. Kaya nang makita natin ang aso mabilis natin itong binansagang “Jackspin”.
Ganu’n pa man tulad ng mga Jack Russell, malaro, masayahin at malambing ang aso.
Naisip ko tuloy, baka kung dinala ko si ‘Jackspin’ sa kilalang resto sa Tagaytay baka maalangan din ang mga bantay sa itsura ng aso at pagbawalang pumasok ito. At kung malapit na ako sa aso, lubha kong dadamdamin ang hindi pagtanggap ng resto sa kanya.
Ano ngayon ang ibig sabihin ng karatulang, “A Pet-Friendly Resto Welcomes You!” Okey pala kung “puro” ang lahi ng aso. Bawal kung may halo at lalong bawal kung aspin? Maraming negatibong komentaryong lumabas laban sa kilalang resto. Meron pang mga artikulo sa mga pahayagan. Natuwa naman tayo sa pahayag na mali at “discriminatory” o humihiwalay at nagtatangi ang polisiya ng resto laban sa aspin. Salamat sa mga mamamayang nagmamahal sa aspin.
Noong ng Pebrero 17, 2024, anibersaryo ng pagpatay sa GOMBURZA (Padre Gomez, Burgos at Zamora) napadaan tayo sa National Museum at napansin natin ang isang kakaibang libro na mayroong pamagat na “Dogs in Philippine History.” Nakiusap ako sa staff na tingnan ang isang sipi ng libro. Natuwa ako sa mga larawan at sa iba’t ibang bahagi ng librong 653 pahina ang haba. Mahaba ang istorya ng libro ngunit hindi nakakabagot basahin hindi lang dahil sa rami ng pahina kundi sa ipinamalas na malinaw at malalim na pagmamahal ng may-akda sa asong sariling atin, ang mahal nating aspin. Mabuhay ka, Ian Christopher B. Alfonso.
Nasimulan na nating basahin ang libro pero sa rami ng gawain, pansamantalang naisantabi. Panahon na ring balikan ang mahalagang libro na ito.
Magandang nagkaroon ng kontrobersiya tungkol sa aspin upang punahin din natin ang mga kailangang ituwid at ayusing pananaw hinggil sa mga alagang hayop at sa kulturang bumabalot dito. Kung merong iba’t ibang klase o antas ng mga tao sa ating lipunan, ganundin pala sa mga hayop, lalo na sa mahal nating pambansang asong kilalang-kilala bilang aspin.
Sa librong isinulat ni Ian Alfonso tungkol sa aspin sa ating kasaysayan, tila isang matibay at tapat na saksi ang aspin sa lahat ng mga nangyari sa ating bansa at ang mga mamamayan nito. Naririyan lang siya ngunit hindi binibigyan ng tunay na pagpapahalaga gaya ng ibinibigay sa mga lahing banyaga (foreign breeds). Biktima ba rin ng kaisipang colonial (colonial mentality) ang aspin? Tulad ba rin ito ng mga karaniwang mamamayan na maliit ang tingin sa sarili at mataas ang tingin at paghanga sa banyaga?
Hindi pa rin ganoon kataas at kaespesyal ang tingin sa aspin. Ngunit unti-unti na itong nagbabago dahil na rin sa mga ‘di inaasahan at hindi maiiwasang mga pangyayari. Isa na rito ay ang nakaraang COVID 19 pandemic. Salamat sa mahirap at malungkot na karanasan ng “lockdown” napakaraming nag-alaga ng kung anu-ano mula halaman (plantita/plantitos) at hayop (aso, pusa, ibon at iba pa).
Marami akong nakilalang mga pamilyang nag-alaga ng aspin at natutong tunay na mahalin at pahalagahan ang kakaibang asong Pinoy. Nagpasalamat pa ang ilang magulang na natutong mag-alaga ng aso at alagaan din ang isa’t isa.
Siguro, ito ang simple ngunit malalim na leksyon ng kontrobersiya ng resto na hindi tumanggap sa aspin sa Tagaytay. Ano kaya’t ituro rin sa atin ng aspin na mag-alagaan at magmalasakitan ang bawat mamamayan sa isa’t isa?
Hindi pa ganoon katagal nang nawala ang mga pader na humahati sa atin. Di ba’t naging magkakapatid ang lahat ng Pinoy sa EDSA noon, mula ika-22 hanggang 25 ng Pebrero 1986? Bumaba ang lahat, malaki at maliit, mayaman at mahirap, kilala at hindi, na nagkaisa sa kalye.
Dati askal ang tawag sa kanila, hindi na ngayon kundi aspin. Hindi na kalye ang ugat ng kanilang pangalan kundi ang kanilang pagiging alagang Pinoy. Ganoon din ang hamon sa atin, hindi lang ang pagtatangi sa lahat na kung sino ang puwede o hindi pumasok sa resto, depende sa lahi ng asong dala. Baguhin na natin ang sistema. Katulad nila, lahat tayo ay pantay-pantay. Mabuhay ang aspin! Mabuhay, ang bawat Pinoy at Pinay!