ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 27, 2025
Dalawang kaibigan ko ang nais nating alalahanin at pasalamatan bagaman wala na sila. Nasa 14 na taong patay na si Dok Gerry Ortega ng Palawan at kamamatay lang ng dating paring Heswita na si Dok Nym Gonzalez.
Dapat nasa Puerto Princesa sana ako noong nakaraang Huwebes para samahan si retiradong Obispo Pedro “Pete” Arigo. Kaibigan namin ni Bishop Pete si Dok Gerry.
Tuwing Sabado ng umaga, sa kumbento ni Bishop Pete nag-aagahan at nakikipagkuwentuhan si Dok Gerry. Mapalad tayo dahil residente tayo sa kumbento ni Bishop Pete mula 2009 hanggang 2011. At sa mga taong iyon, napakarami nating natutunan tungkol sa Palawan mula kay Dok Gerry.
Mahigpit ang laban ni Dok Gerry sa mga katiwalian sa lalawigan ng Palawan noon sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Joel Reyes. Walang kapagurang binabatikos ni Dok Gerry sa kanyang programa sa RMN ang anumang matuklasan nitong katiwalian sa lalawigan ng Palawan mula hilaga hanggang timog.
Ilang halimbawa na natuklasan ni Dok Gerry. Una, pinuntahan ni Dok Gerry ang mga nai-report nang natapos na mga kalye sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Napakaraming mga inulat na kalyeng tapos ay wala ni isang metrong nasimulan. Pangalawa, ang
Malampaya Funds ay inurirat ni Dok Gerry at pilit tinitingnan kung ano ang napunta sa dapat puntahan ng pondo at matindi ang hinala niya na malaki ang nawawala at napupunta sa maling bulsa. Pangatlo, tinutukan din ni Dok Gerry ang napakaraming mga mapanirang industriya tulad ng pagmimina at pagpuputol ng puno maging ang kaingin na nagdudulot din ng malaking pinsala sa kagubatan.
Noong umaga ng Enero 24, 2011, binaril si Dok Gerry sa ukay-ukay sa tabi ng veterinary clinic nila ni Dok Patty Ortega. Mabuti’t merong padaang truck ng bumbero na nakita ang bumaril at hinabol ito hanggang mahuli. Pagkaraan ng imbestigasyon, nangumpisal ang mga nahuling “assassination team” at itinuro si Gov. Joel Reyes bilang mastermind umano. Ilang taong inilaban ang kaso ng pagpatay kay Dok Gerry nina Patty sampu ng mga anak nila ni Dok Gerry. Tumakas si Joel Reyes kasama ng kapatid nito ngunit nahuli ang dalawa sa Thailand pagkaraan ng ilang taon. Hindi pa rin tapos ang kaso bagama’t nakakulong na sa wakas ang sinasabing mastermind. Sayang na sayang ang mabuting anak, asawa, ama, Kristiyano, mamamayan na si Dok Gerry.
Noong sumunod namang araw, minisahan natin si Nym Gonzalez sa UP, Diliman. Namatay si Nym noong nakaraang Nobyembre 29, 2024. Kilala si Nym bilang dating Padre Nym Sj. Isa siyang “communications expert” na kasama sa pagtatatag ng JesCom Philippines na ginagamit ang media sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Nakilala ko si Padre Nym noong seminarista pa lang ako sa San Jose Seminary at higit ko pa siyang nakilala noong madestino tayo bilang kura ng Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Mahusay mag-lecture at magbigay ng homily si Padre Nym at mabuting anak nina NVM at Narita Gonzalez. Ngunit nagulat ang marami nang nagpasyang mag-asawa si Nym. Matagal-tagal na ring siyang pari. Tatlumpu’t limang taon nang paring Heswita si Nym nang lumabas ito. Naalala natin nang lumabas ang balita ng kanyang pag-alis sa mga Heswita. Ang una nating nakausap ay ang kanyang mga magulang. Nagpapaliwanag si Narita ngunit tahimik lang si NVM. Dama natin ang malalim na damdamin na hindi marahil maipahayag ng ama ni Nym. Madaling magsalita naman at maglabas ng lungkot at anuman ang ina niya. Mula noon hanggang mamatay ang kanyang ama, napansin natin ang katahimikang balot ng lungkot.
Noong Disyembre 8, 2019, inilabas ni Nym ang kanyang libro, “Confessions of an Ex-Jesuit.” Dito niya ibinahagi ang kanyang totoong paglalakbay bilang pari at bilang dating pari. Nasimulan na natin basahin ang libro at mahusay ang Ingles na ginamit. Maraming nagsasabing ‘eh kasi anak ni NVM’. Subalit marami ring nagsasabing oo anak ni NVM ngunit, anak din ng Ama. Puno ng pagmamahal sa sariling ama at para sa Amang nasa langit.
Muli na naman akong nagtungo sa UP, Diliman na paulit-ulit nating binabalikan. Ganoon din ang Palawan. Kung may pagkakataon babalik-balikan ko rin ang Palawan.
Naglakbay na sina Dok Gerry at Nym. Tapat at bukas ang dalawa. Hindi pa tapos ang ating paglalakbay. Sana, maging tapat at bukas din tayo hanggang sa katapusan ng buhay na ito.