ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 4, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2012 at 2023, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Kuneho o Rabbit.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, katugma at ka-compatible ng Kuneho ang isang maamo at mabait na Tupa, habang nagtititigan at nasa lugar na malapit sa nature, tunay ngang makararanas sila ng isang romantiko at walang kamatayang relasyon.
Bukod sa Tupa, ang Kuneho ay tugma rin sa malambing na Aso at sa mapagmahal na Baboy kung saan ang relasyong Kuneho at Aso, ganundin ang relasyong Baboy at Kuneho, ay kadalasang nagiging maunlad at produktibo, higit lalo sa aspetong salapi at materyal na mga bagay.
Gayundin, bukod sa Tupa, Baboy at Aso, pinaniniwalaang ang Kuneho ay magkakaroon din ng manaka-nakang pakikipagrelasyon sa isang tuso at matalinong Ahas. Bagama’t hindi gaanong magtatagal ang ganitong ugnayan, makararanas naman sila ng makili ngunit masarap na romansa.
Samantala, humigit-kumulang ganito ang inaasahang magaganap sa kapalaran ng Kuneho sa buong taon.
Sinasabing sa umpisa pa lamang ng taon, partikular sa buwan ng Abril at Mayo, magiging higit na produktibo na ang buhay mo, lalo na sa aspetong materyal na bagay at pagkakaperahan, kaya naman samantalahin mo ang mga dati mo nang ventures o pinagkakakitaan kung saan dagdagan mo pa ang pagsisipag dahil ang pag-angat ng graph ng kabuhayan ay magtutuluy-tuloy na sa taong ito ng 2021.
Ang problema na dapat mo ring bantayan ay habang tumataas ang iyong income, hindi mo mapapansin na lalaki rin nang lalaki ang iyong pagkakagastusan. Kunsabagay, natural lang naman ito sa nagpapaunlad ng kabuhayan, kaya naman ang dapat mong isagawa ay kapag napapansin mong lumalaki ang iyong kinikita, sabayan mo ito ng malawakang pag-iipon at pagpupundar. Sa ganyang paraan, hindi masasayang ang malalaking halaga ng salapi na nakatakda mong mahawakan sa buong 2021.
At dahil kasabay ng pag-angat ng kita ngayong 2021 ay ang mga hindi inaasahang gastusin, dapat ngayon palang ay planuhin mo na kung saan-saan mo dadalhin ang iyong pera at kung anu-ano ang mahahalagang bagay na dapat mong pagkagastusan. Sa sandaling naging maingat ka sa paglabas ng pera, tulad ng nasabi na, malaking pakinabang na sa materyal na aspeto ang maiipon at maitatabi mo sa buong taong ito ng 2021, na mapakikinabangan mo pa sa dagdag na puhunan upang sa susunod na taong 2022 ay lalo mo pang mapalago nang husto ang iyong kabuhayan.
Itutuloy