ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 11, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dragon.
Dahil likas na masuwerte at sadyang pinaglaanan ng magandang kapalaran, sinasabing bihirang-bihira kang makatatagpo ng isang Dragon na bigo sa buhay. Sa halip, tulad ng nasabi na, dahil likas na may magandang kapalaran, karamihan sa kanila ay umuunlad at yumayaman, higit lalo kung sila ay lalayo sa sinilangan nilang bayan at sa malayong lugar makikipagsapalaran.
Naniniwala rin ang mga sinaunang Chinese na ang mga Dragon ay pinoprotektahan ng langit, kaya kung ikaw ay may kasamang Dragon sa bahay, may proteksiyon ka sa mga negatibong kaganapan. Kung saan, katulad nito, ang paninirahan ng isang Dragon sa inyong bahay ay talaga namang magbibigay ng suwerte at magagandang kapalaran.
Bagama’t karamihan sa mga Dragon ay matagumpay at maunlad sa kanilang buhay, wala namang nakakapansin na sa kaibuturan ng pagkatao ng isang Dragon, mababakas mo sa loob ng kanyang puso ang isang malalim na kalungkutan. Ito naman ang nagiging dahilan kaya ang isang Dragon ay labis na matulungin at mapagbigay — dahil sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa mahihirap, kapus-palad at wala nang maaasahan, lumuluwag at talaga namang labis na nasisiyahan ang damdamin ng isang Dragon.
Dagdag pa rito, dahil buo ang loob, anumang panganib ng buhay ay kayang harapin ng isang Dragon na kadalasan, ito ang nagpapahamak o nagpapapangit ng kanyang kapalaran. Dahil sa taglay na kakaibang lakas ng loob, minsan ay sumusobra talaga sa kanilang limitasyon ang lakas ng kanilang loob, kaya matatagpuan mo ang Dragon na dati nang may pundar, bahay at lupa at may maganda nang negosyo, ito ay kanila pang ibebenta o naisasanla dahil sa pag-aakalang hindi ito mawawala sa kanila. Pero huli na kapag natuklasan ng Dragon na mali ang kanyang naging pasya dahil nawala bigla ang kanyang mga iniingat-ingatang ari-arian.
Ngunit hindi ito ang magara sa kapalaran ng isang Dragon. Sa halip, halimbawang nawalan sila ng ari-arian o anumang bagay dahil sa taglay nilang sobrang lakas ng loob at tiwala sa sarili, walang anu-ano, sa isang kisap-mata, ang mga bagay na nawala ay isa-isa ring ibabalik sa kanila ng langit nang mas masagana at maganda.
Hindi lamang sa materyal na bagay nangyayari ito sa buhay ng Dragon kundi sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay, maging sa pag-ibig at iba pang bagay kung saan anuman ang mawala sa kanila — mahal sa buhay, pamilya, career o karangalan, basta ‘wag siyang mawawalan ng pag-asa, sa halip ay patuloy siyang kumikilos at nagsisikap, isang umaga, pagmulat ng kanyang mga mata, nasa harapan na pala niya ang mga bagay na dating nawala sa kanya at pinalitan ng langit nang mas magara, masaya at maganda.
Itutuloy