ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 3, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Horse o Kabayo.
Bukod sa regular na pag-e-ehersisyo at pagme-meditate, ang paglalakbay sa iba’t ibang pook, lalo na sa mga lugar na malapit sa nature ay paraan din upang makapag-recharge ng enerhiya ang Kabayo. Kaya ‘pag medyo nararamdaman niya ang pagod at pagkabalisa, sa pamamagitan ng pamamasyal, tiyak na babalik ang kanyang dating lakas at sigla.
Sinasabing bukod sa pagiging masipag at abala sa kung anu-anong gawain, ang Kabayo ay madaling nakakaiwas sa kahit ano’ng problema dahil alam niya ang sikretong kataga na nakasulat sa singsing ng Hari na, “Ito ma’y lilipas din!” Kapag napapansin niya na may mabibigat ng problema, kahit hindi niya banggitin, kusa itong lumilipas kahit wala siyang ginagawang solusyon. Ganu’n kaganda ang kapalaran ng Kabayo sa panahong may mga balakid o suliranin sa kanyang buhay, at dahil madalas na busy, lahat ng mga negatibong pangyayari ay kusang lumilipas.
Sa propesyon, dahil mahusay siyang magkuwento at mag-exaggerate o magpalaki ng bagay na hindi naman niya sinasadya at nagagawa niya ring pagandahin at pasayahin ang mga nanonood o nakikinig sa kanyang mga kuwento, higit na magiging mahusay ang Kabayo sa larangan ng pag-aalok o pagbebenta, pagre-report o pag-uulat at lahat ng uri ng negosyo at gawaing may kaugnayan sa komunikasyon kung saan tiyak na magtatagumpay at magiging maligaya siya.
Hindi naman magiging produktibo ang buhay ng Kabayo sa mga propesyon o gawaing mahapong nakaupo o nasa lamesa lamang dahil ang talagang gusto niya ay gala nang gala dahil tulad ng nasabi na, sa mga gawaing ‘yun sila higit na nagtatagumpay at nagiging maligaya.
Sa pakikisalamuha sa kapwa, ang Kabayo ay maraming kaibigan, pero kaunti lang ang nagiging tapat sa kanila. Kaya minsan ay nagtataka rin ang Kabayo at naitatanong niya, “Bakit sa dinami-rami ng mga kaibigan ko, wala man lang maaasahan sa panahong may mabigat akong problema?” Dahil alam niyang karamihan sa kanyang mga kaibigan ay nakikisakay at inuuto lamang siya. Kaya mapalad ang Kabayo kapag nakatagpo siya ng kaibigang dadamayan siya sa lahat ng oras at magiging shoulder to lean on niya habambuhay. Dahil ang kaibigan ding ‘yun ang magbibigay sa kanya ng saya at magagandang kapalaran nang hindi nila kapwa sinasadya.
At dahil palakaibigan, kadalasan, ang Kabayo ay napaka-generous o sobrang matulungin, kaya hindi niya napapansing dahil sa sobrang pakikipagkaibigan, madaling nauubos at nalulustay ang kanyang kabuhayan. Ngunit kung matutunan niyang unahin ang kapakanan ng sarili niyang pamilya kaysa sa mga kaibigan, mas madaling mabubuo ang tahanan niya na may maunlad na kabuhayan at mayamang pamilya.
Katugma at ka-compatible naman ng Kabayo ang ring animal sign na mahilig sa adventure na Tigre, ganundin ang Dog o Aso. Kung lilimitahan ng Aso ang pagiging malikot at ang mga kilos na kung saan-saan nagpupunta na parang Kabayo. Dahil dito, matututunan ng Kabayo na iprayoridad ang pamilya at pumirmi sa kanilang romantiko at masayang tahanan. Mararamdaman din ng Horse ang kapayapaan at kampanteng buhay at tahanan sa piling ng Sheep o Tupa o Kambing. Kapag naman nahaharap sa malalaking problema at kailangang-kailangan ng Kabayo ang mahusay na adviser o tagapayo, matatagpuan siyang hinahanap ang tama at mahusay na payo sa kaibigan niyang Dragon. Kaya ‘pag may sinosolb na problema at may gagawing napakahirap na proyekto, bagay na bagay na magkapareha ang Kabayo at Dragon.
Itutuloy