ni Thea Janica Teh | September 20, 2020
Mas malaki ang tiyansang magkaroon ng COVID-19 ang mga taong mahilig kumain ng pagkaing mayaman sa trans fat, ayon sa World Health Organization (WHO).
Tinatayang 49% sa Pilipinas ang namamatay dahil bukod sa COVID-19, nakakukuha rin ng ibang sakit tulad ng cardiovascular disease ang mga taong nasosobrahan sa trans fat.
Nakasaad sa House Bill 7200 at 7202 na ipagbawal ang mga pagkain na mayaman sa trans fat lalo na ngayong panahon ng pandemya. Ginagawa kasing stress-reliever ng mga Pinoy ang pagkain sa fast food chain.
Sa katunayan, ayon sa isang food delivery service sa bansa, naging triple umano ang kanilang kostumer dalawang linggo pa lamang ng quarantine. Dagsa rin ngayong pandemya ang mga relief na canned goods at 3-in-1 coffee, ngunit ayon sa WHO, masama ang madalas na pagkain ng mga ito.
Ang trans fatty acid (TFA) o trans fat ay madalas matagpuan sa meat at dairy products. Mayroon ding trans fat na gawa sa hydrogenation o pagpoproseso ng vegetable at fish oil na makatutulong upang tumagal ang mga pagkain.
Ayon kay Alyssa Bautista, Neurology professor sa Columbia University sa New York, madalas makita ang trans fat sa cookies, donut, cake, chips, crackers, French fries, frozen pizza at marami pang iba.
Kaya naman pinaalalahanan ng WHO na hindi dapat tataas sa 2.2 grams kada araw ang pagkain ng mga mayayaman sa trans fat. Aniya, ugaliin pa rin ang pag-eehersisyo kahit nasa loob ng bahay at pagkain ng masusustansiyang pagkain.