ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | November 21, 2023
Dear Doc Erwin,
Sa isang conference na aking pinalad na mapuntahan ay nabanggit ng isang speaker ang “plasmalogen” at ang kaugnayan nito sa iba’t ibang uri ng sakit. Isa sa mga sakit na binanggit ay ang Alzheimer’s disease.
Maaari bang ipaliwanag n’yo kung ano ang plasmalogen at ano ang kaugnayan nito sa maraming mga sakit lalo na sa Alzheimer’s disease. Makakatulong ba ang plasmalogen sa may mga sakit ng Alzheimer o kaya ay upang makaiwas na magkaroon ng dementia? - John Matthew
Maraming salamat John Matthew sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.
Ang plasmalogen ay isang uri ng phospholipids na makikita sa membranes na bumabalot sa mga cells ng ating katawan. Karamihan ng plasmalogen sa ating katawan ay makikita sa ating utak, puso at sa ating immune system.
Nadiskubre ang plasmalogen noong 1924 ng mga researcher sa pangunguna ni Robert Feulgen. Ayon sa mga pag-aaral, tumataas ang level ng plasmalogen sa ating katawan sa edad na 30 hanggang 40 at sa edad na 70 ay bumababa na ito. Dahil dito maaaring may kinalaman ang pagbaba ng plasmalogen sa aging o sa ating pagtanda.
Bagama’t sa ngayon ay pinag-aaralan pa rin ang mechanism of action ng plasmalogen, naging interesado dito ang mga scientist dahil sa pagbaba ng level nito sa ating katawan sa iba’t ibang uri ng sakit katulad ng Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, Multiple Sclerosis, Down syndrome, mga sakit sa puso at cancer.
Ang isang halimbawa ay ang pagbaba ng 40 porsyento ng level ng plasmalogen sa dugo ng mga may sakit na Alzheimer, isang disease na pangunahing dahilan ng dementia sa mga may edad na. Dahil dito pinag-aaralan na ng mga dalubhasa ang pagbaba ng plasmalogen level para sa early detection ng Alzheimer’s disease o dementia bago pa magkaroon ng mga sintomas. Magagamit din ang plasmalogen para sa early intervention sa sakit na ito upang maiwasan ang paglala ng sintomas ng Alzheimer’s disease o dementia.
Sa isang clinical trial na isinagawa sa Japan, kung saan 328 pasyente na may mild Alzheimer’s disease na may edad 60 hanggang 85, ay nagkaroon ng significant cognitive improvement ang mga ito matapos bigyan ng plasmalogen concentrate na galing sa scallops (kabibi). Ang resulta ng pag-aaral na ito ay inilathala noong 2017 sa scientific journal na eBioMedicine.
Dahil nakita ng mga scientist na ang pagbaba ng plasmalogen level sa ating katawan ay maaaring maging dahilan ng iba’t ibang uri ng sakit na nabanggit, pinag-aralan nila kung anong uri ng mga pagkain ang mayaman sa plasmalogen. Ayon sa isang artikulo sa scientific journal na Lipids noong 2016, ang mga pagkain na ito ay ang scallops (kabibi), mussels (tahong) at mga sea squirts. Marami ring plasmalogen ang karne ng baboy at baka.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at nadagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa plasmalogen, mga sakit na maaaring maging resulta ng pagbaba nito sa ating katawan, at mga pagkain na puwede nating kainin upang tumaas ang plasmalogen level na maaaring makatulong sa mga pasyente na may mild dementia.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com