ni Lolet Abania | July 8, 2020
Bukod sa pandemya nating kinakaharap, may sakit na maaaring hindi namamalayan na nakukuha na pala. Ito ay ang prostate cancer, na isang uri ng karamdaman na ang tinatamaan ay mga kalalakihan. Subalit, posible naman na hindi na magkaroon ng ganitong sakit ang ating mga tatay, kuya, uncle at iba pa. Ang Kailangan lang ay palakasin at maging malusog ang kanilang prostate. Heto ang mga pagkain na makakatulong para pangalagaan ang prostate health.
Kamatis. Mayroon itong matinding antioxidant na lycopene. Malaking tulong nito para maiwasan ang prostate cancer, gayundin, mababawasan ang paglaki ng tumor sa mga lalaking mayroon nang prostate cancer. Ang lycopene ay nakapagpapababa ng cell damage at napapabagal ang cancer cell production at ang taglay nitong antioxidant ay magpoprotekta sa cells mula sa pagkasira.
Broccoli. Isa gulay na maraming complex compounds na makakatulong para protektahan ang katawan mula sa cancer. May pag-aaral na iniuugnay sa dami ng cruciferous vegetables na kinakain at ang broccoli ay kasama rito, na nagpapababa ng tsansang magkaroon ng prostate cancer. Ayon sa mga eksperto, mayroong phytochemicals na makikita sa gulay na ito, tulad ng sulforaphane, kung saan tinatarget at pinapatay ang cancer cells habang iniiwan nitong normal ang prostate cells na malusog.
Green tea. Nagsagawa ng mga pag-aaral tungkol sa pag-inom ng green tea at maramin nagpapatunay na nagsasabing may special compound ito na nababawasan ang tsansa ng prostate cancer na hindi lumaki ang tumor, mamatay lahat ng cell, at problema sa hormone.
Legumes at soybeans. Mga halimbawa ng legumes ay beans, peanuts at lentils. Mayroon itong active plant compounds na tinatawag na phytoestrogens. Ang isoflavones na meron ang soybean ay nagtataglay din ng phytoestrogen. Isang pag-aaral na nagpapatunay na ang pagkain ng mayroong phytoestrogen ay 20 porsiyentong mababa ang tsansa ng prostate cancer kumpara sa hindi kumakain nito. Ayon sa National Cancer Institute (NCI), iniuugnay nila na ang pagkain ng soy ay nakababawas sa lebel ng prostate-specific antigen (PSA).
Isda. Mayroong polyunsaturated fats, kasama rito ang omega-3s at omega-6s, na kailangang fatty acids ng katawan. Ang pagkakaroon ng balanseng omega-3 at omega-6 fatty acids ay pagtataglay ng mabuting kalusugan. Ang pagkain ng maraming fatty fish ay makapagbibigay ng higit na benefits sa ating kalusugan.
Kaya para sa mga kalalakihan maging maingat palagi dahil kayo ang lakas at nagsisilbing sandigan namin sa anumang laban natin sa buhay.