- BULGAR
- Mar 19
ni Fely Ng @Bulgarific | Mar. 19, 2025
Hello, Bulgarians! Isang masaya at matagumpay na kaganapan ang pagbabalik ng Philippine Book Festival (PBF), ang premier all-Filipino book festival sa bansa, para sa 2025 na edisyon nito, na ginanap sa Megatrade Hall sa SM Megamall noong, Marso 13 hanggang 16.
Ang pinakaaabangang festival ay nagbukas ng mga pinto sa mga mahilig sa libro, may-akda, artist at publisher sa buong bansa para sa apat na araw na karanasan na nagtatampok ng author meet-and-greet.
Ang pagdiriwang ay opisyal na inilunsad noong Marso 13 hanggang 16 sa pamamagitan ng ceremonial rites na pinamagatang ‘Fiesta Simula’, na nagtampok ng mga dramatikong pagbabasa, mga pagtatanghal sa musika at mga mensahe mula sa mga kilalang tao mula sa mga sektor ng paglalathala ng aklat, edukasyon at kultura ng bansa.
Dumalo sina National Artist for Literature Virgilio Almario at National Artist for Film & Broadcast Arts Ricky Lee, mga pangunahing opisyal mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at ang Executive Director ng National Book Development Board (NBDB) na si Charisse Aquino-Tugade, na nagtatag ng festival noong 2023.
Bukod sa libu-libong aklat na ibinebenta, mga eksibit na nagpapakita ng kasaysayang pampanitikan ng bansa, hindi mabilang na mga kaganapan at eksklusibong mga diskuwento sa libro, dumagsa ang mga festivalgoer sa new activation spaces gaya ng Pakyawan Plaza, kung saan naglalaman ng Pahiyas Festival-inspired bahay kubo at isang live mural.
Ang PBF sa taong ito ay higit na pinagtibay ang misyon na ipagdiwang ang lahat ng bagay na Filipino, fiesta-style sa pamamagitan ng pagsasama ng mga elemento ng disenyo sa pakikipagtulungan sa mga kilalang artist ng librong pambata Juno Abreu, Pepot Atienza, Danielle Florendo at Paul Eric Roca.
Higit sa lahat, taos-pusong pasasalamat ang aming ipinaaabot sa mga avid reader ng BULGAR, at ni Maestro Honorio Ong, na sinikap na makarating sa minsang pagkakataong ito upang makapagpa-book signing, makatanggap ng personalized giveaways mula sa ating pahayagan, makipag-selfie at makadaupang palad si Maestro Honorio. Maraming salamat po!
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.