ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 4, 2025

KAPAG NAG-COLLAPSE ANG HEALTH CARE SYSTEM SA ‘PINAS, SI PBBM AT MGA ‘KASABWAT’ NA SENADOR NA NAG-ZERO SUBSIDY SA PHILHEALTH ANG SISIHIN -- Dahil sa zero subsidy sa PhilHealth ay nababahala si public health reform advocate Dr. Tony Leachon na pagsapit ng year 2028 ay mag-collapse ang health care system sa bansa.
Kaya sakaling nagkatotoo ang pinangangambahan ni Dr. Leachon na mag-collapse ang health care system sa ‘Pinas ay walang ibang dapat sisihin diyan ang publiko kundi si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at mga ‘kasabwat’ niyang senador sa pag-zero subsidy sa PhilHealth, period!
XXX
KAPAPASOK LANG NG YEAR 2025, MAY DAGDAG-BUTAW NA SA SSS, MAY KASUNOD PANG OIL PRICE HIKE -- Matapos magpairal ang Marcos administration ng dagdag-butaw na 15% sa monthly contribution ng mga Social Security System (SSS) member, ang kasunod nito ay ang nagbabadya na namang oil price hike next week.
Hay naku, wala na yata talagang pag-asang gumanda ang pamumuhay ng mga Pinoy sa ilalim ng Marcos administration kasi mantakin n’yo, kapapasok lang ng taong 2025 ay nagpairal agad ang gobyerno ng mga dagdag-pahirap na taas-butaw sa SSS at dagdag-presyo sa langis, naku po!
XXX
KUNG TOTOONG TULOY ANG KONSTRUKSYON NG NEW SENATE BLDG., PABIDA LANG PALA ANG SINABI NI SP ESCUDERO NA PINA-STOP NIYA ANG PAGPAPAGAWA NG MALA-PALASYONG SENADO NG ‘PINAS -- Sa year 2027 ay matatapos na raw ang konstruksyon ng P31 billion new Senate building sa Taguig City.
Aba teka, ‘di ba sabi ni Senate President Chiz Escudero ay pina-stop na niya ang konstruksyon nito dahil sa laki ng gastos, pero bakit may isyung sa year 2027 ay tapos nang gawin ‘yang new Senate building?
Kung totoong itinuloy na ang konstruksyon, ibig sabihin niyan ay pabida lang pala ni SP Escudero ang sinabi niyang pina-stop ang pagpapagawa ng mala-palasyong new Senate bldg. na iyan, pwe!
XXX
MAS MAINAM DAW ANG AKAP KASYA CONFI FUNDS NG MAG-AMANG EX-P-DUTERTE AT VP SARA -- Sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriation na mas mainam daw ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) kaysa confidential funds ng mag-amang ex-P-Duterte at Vice President Sara Duterte-Carpio.
Sa AKAP daw kasi ay walang corruption dahil mga totoong tao ang magiging benepisyaryo kaysa confi funds daw ni VP Sara na tadtad raw ng corruption at ang confi funds naman daw ng ama nitong si ex-P-Duterte ay ginamit sa extrajudicial killings o EJK, boom!