ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 14, 2025

FEB. 14, ARAW NG MGA PUSO, AT SA MAY 12 ELECTION DAY, ‘ARAW NG MGA WALANG UTAK’ -- Ngayong araw na ito, Feb. 14, 2025 ay Araw ng mga Puso o Valentine’s Day. Sa May 12, 2025, election day puwede itong matawag na “Araw ng mga Walang Utak” kasi sigurado, maraming bobotante ang maghahalal na naman sa mga kandidatong trapo, kurakot at ‘Kamag-anak Inc.’, period!
XXX
PBBM, PRESIDENTENG MINSAN NAGIGING KOMEDYANTE -- Maraming netizens ang nag-haha reactions sa sinabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang lahat daw ng 12 candidates niya sa pagka-senador ay may “clean record.”
Aba’y marami talagang matatawa kasi hindi naman kapani-paniwala ang sinabi ng Presidente na malinis ang pagkatao ng kanyang mga senatorial candidate.
Iyan si PBBM, ang presidenteng minsan nagiging komedyante, boom!
XXX
KAYA SIGURO WALANG SENADOR NA KINASUHAN SINA ALVAREZ BAKA MAGALIT, IMBES ‘NO,’ MAG-‘YES’ VOTES ANG MGA ITO SA IMPEACHMENT KAY VP SARA -- Ipinagtaka nina 1Rider partylist Rep. Rodge Gutierrez at Taguig City Rep. Amparo Zamora kung bakit sina Speaker Martin Romualdez, Majority Floor Leader, Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe at Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations lang ang sinampahan ng grupo ni Zamboanga del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ng mga kasong graft, ang criminal cases na may kaugnayan sa sinasabing insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA), gayong may mga senador din daw na miyembro ng Bicameral Conference Committee na nagsaayos ng 2020 national budget.
Siguro, kaya walang isinamang senador sa kinasuhan ay dahil ayaw ng kampo ni Alvarez na magtanim ng galit ang sinumang senador na makakasuhan, na ‘ika nga, baka sa impeachment trial kay VP Sara ay imbes “no” ang maging boto ay maging “yes” para ma-impeach ang bise presidente, period!
XXX
MAKALAYA KAYA SA PANAHON NG MARCOS ADMIN ANG PORK BARREL QUEEN? -- Inabsuwelto ng Sandiganbayan ang binansagang pork barrel queen na si Janet Napoles kasama ang dating Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza at iba pa sa P27.5 million graft case na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Iyang sunud-sunod na pagkakaabsuwelto ni Napoles sa mga kasong plunder at graft na isinampa sa kanya ay nakikita na natin na sa panahon ng Marcos administration, lalaya ang pork barrel queen, boom!