ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 23, 2025
HINDI MAN AMININ, TIYAK TUMINDIG-BALAHIBO SA TAKOT ANG MGA PORK BARREL POLITICIAN SA PANUKALANG ‘FIRING SQUAD BILL’ SA MGA KURAKOT -- Hindi man aminin ay tiyak na nanindig ang balahibo sa takot ng mga senador at kongresistang pork barrel politicians sa isinulong na panukalang batas ni Zamboanga City 1st Dist. Rep. Khymer Adan Olaso na patawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ang kurakot sa pamahalaan.
Titindig talaga ang balahibo nila sa takot dahil kapag naisabatas ito, baka silang mga pork barrel politician ang mapa-firing squad sa bill na ito, period!
XXX
‘SUNTOK SA BUWAN’ NA PUMASA ANG FIRING SQUAD SA MGA KURAKOT DAHIL SA DAMING PORK BARREL POLITICIANS NA HAHARANG SA PANUKALA -- Sa social media ay suportado ng majority netizens si Cong. Olaso sa isinusulong niyang panukalang death penalty through firing squad sa mga kurakot, pero ang problem ay “suntok sa buwan” na pumasa ito sa Senado at Kamara.
Majority kasi sa mga sen. at cong. ay mga pork barrel politician, at hindi sila mga engot para magpasa ng batas na firing squad sa mga kurakot kasi posibleng sila ang tamaan dito, sila ang baka ma-firing squad, boom!
XXX
ANG MALAKING BAHAGI SA UTANG NG ‘PINAS NAPUPUNTA SA MGA KURAKOT, TAPOS TAUMBAYAN ANG PAGDURUSAHING MAGBAYAD -- Iminungkahi ni Sec. Ralph Recto ng Dept. of Finance (DOF) na dapat daw magkaroon na uli ng panibagong dagdag-tax sa mamamayan para raw makalikom ng karagdagang pondong pambayad sa mga utang ng Pilipinas sa iba’t ibang financial institutions sa mundo.
Mantakin n’yo, utang nang utang ang gobyerno, at ang malaking bahagi ng inuutang ay sa mga ‘kurakot’ sa pamahalaan napupunta, tapos ang pagdurusahin ay ang mamamayan sa panukalang dagdag-tax, buset!
XXX
HANGGA’T HINDI NASISIBAK AT NAKUKULONG ANG MGA TUMATANGGAP NG TARA SA CUSTOMS, HINDI MATITIGIL ANG SHABU SHIPMENTS SA ‘PINAS -- Sa muling pagbubukas ng House Quad Committee hearing ay muling naungkat ang talamak na “tara system” o payola ng mga smuggler sa mga tiwaling Customs officials, at ayon kay detenidong former Customs intelligence officer Jimmy Guban ay iyang “tara system” ang sanhi kaya malayang naipupuslit papasok sa ‘Pinas ang mga shabu shipments.
Dapat imbestigahan ng QuadComm ang lahat ng mga Customs official at ang sinumang mapapatunayang tumatanggap ng “tara” ay dapat irekomenda nilang sibakin sa puwesto, sampahan ng kaso at ipakulong. Hangga’t may mga opisyal sa Customs ang tumatanggap ng “tara” ay hindi matitigil ang shabu shipments sa ‘Pinas, period!