ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 19, 2024
Photo: Coco Martin, Piolo Pascual at John Lloyd Cruz
Hindi na nga maawat ang kasikatan at pagyaman ngayon ni Coco Martin dahil sa sunud-sunod na seryeng kanyang pinagbidahan, ang Juan dela Cruz, Ang Probinsyano (AP) at Batang Quiapo (BQ).
Highest-paid endorser din siya at malalaking produkto ang kanyang ine-endorse.
Kung pagbabatayan ang kanyang kinikita sa serye, pelikula at mga endorsements, daig na ngayon ni Coco sina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz sa dami ng properties na kanyang naipundar.
Lumaki sa hirap si Coco kaya masipag at madiskarte. Lumaki siya sa poder ng kanyang lola na masipag na negosyante. Ang lola niya ang naging idolo ni Coco, kaya nagsikap siya sa buhay.
Nagsimula siya sa showbiz nang lumabas sa mga indie films, hanggang sa napadpad sa bakuran ng ABS-CBN, kung saan naging ganap siyang malaking artista.
Co-producer, director at actor si Coco sa AP at BQ, kaya malaki ang kanyang kinikita at nakapagpundar ng negosyo at mga properties. At dahil sinuwerte, nag-share siya ng blessings sa kanyang mga kapatid. Binigyan niya ng sariling bahay ang apat niyang kapatid.
Binigyan din niya ng negosyo ang mga ito upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Ganoon kabait na kapatid si Coco Martin, kaya tuluy-tuloy ang kanyang suwerte.
Kuntento raw sa GMA-7…
RHIAN, 'DI LILIPAT SA ABS-CBN
Mismong si Rhian Ramos ang nagsabing hindi totoo ang balitang nagkaroon siya ng pag-uusap sa mga big bosses ng ABS-CBN para sa kanyang paglipat.
Masaya na raw siya at kuntento sa pangangalaga ng GMA Network, at wala siyang balak na lumipat sa ibang TV stations, lalo na ngayon na kasama siya sa pantaseryeng Sang’gre: The Encantadia Chronicles.
Nakapag-taping na raw siya ng ilang araw at excited siya sa kanyang role. Masaya si Rhian na makatrabaho ang mga bagong henerasyon ng mga Sang'gres.
Habang naghihintay sa pag-resume ng taping sa Encantadia, tumatanggap muna si Rhian ng pelikula. At isa na rito ang ‘Wag Mo 'Kong Iwan (WMKI) na idinirek ni Joel
Lamangan. Nagsisilbing hamon kay Rhian ang role na kanyang ginagampanan.
Masaya ang love life ni Rhian Ramos ngayon at tatlong taon na ang relasyon nila ng partylist congressman na si Sam Verzosa. Kumakandidato ngayong midterm election si SV bilang mayor ng Maynila at makakalaban niya sina Isko Moreno at Honey Lacuna.
BLOOMING ngayon si Azenith Briones, kaya tinutukso siya ng mga kaibigan na baka in love.
Pitong taon na ring biyuda si Azenith at malalaki na ang apat niyang anak at may sarili nang pamilya.
Likas na masipag, masinop at business-minded si Azenith, kaya nakapagpundar ng mga properties. Nag-e-enjoy na lang siya sa pagta-travel abroad, kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Pero, may chika na may ardent suitor ngayon si Azenith na isang rich foreigner, at hindi sila nagkakalayo ng edad.
For sure, guwapo ito dahil pumasa kay Azenith. LDR (long distance relationship) daw sila at next year ay muling magkikita dahil bibiyahe ang aktres pa-USA sa January.
Well, deserve naman ni Azenith na magkaroon ng love life upang may makasama siya sa kanyang pagtanda. Hindi na siya pumupunta sa casino ngayon upang hindi na sila magkaproblema ng kanyang mga anak.
Negosyo ang pinagkakaabalahan ngayon ni Azenith Briones at kumikita sa pagbebenta ng mga properties.
HINDI naawat ang lady producer na si Marynette Gamboa na sumugal upang i-produce at gawin ang pelikulang IDOL: The April Boy Regino Story na idinirek ni Efren Reyes, Sr..
Bago nag-pandemic noong 2020 ay handa na ang lahat para sa shooting ng nasabing pelikula. Pero inabot ng COVID pandemic na tumagal ng tatlong taon kaya pansamantalang nakansela ang shooting ng movie.
Gayunpaman, may pangako si Ms. Marynette sa pamilya ni April Boy Regino na kahit ano'ng mangyari ay itutuloy at tatapusin ang movie, at maayos na natapos ang pelikulang kanilang pinaghirapan.
Bagama't hindi sila pinalad makapasok sa MMFF 2024, maaga naman itong mapapanood sa mga sinehan. Showing na ang IDOL: The April Boy Regino Story sa November 27. Ang baguhang aktor na si John Arcenas ang gumanap bilang si April Boy.
Kasama rin sa movie sina Irene Celebre, Kate Yalung, Dindo Arroyo, Rey "PJ" Abellana, at may special role ang Jukebox Queen na si Imelda Papin.
Buo ang paniniwala ni Marynette ng WaterPlus Productions na tatangkilikin ng mga tagahanga ni April Boy Regino ang pelikula. Dito malalaman ang mga hirap na kanyang pinagdaanan bago siya sumikat.