ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 26, 2025
Photo: Jojo Mendrez via Bulgar
Nagpatawag ng emergency mediacon kahapon ang controversial singer-businessman na si Jojo Mendrez, ang tinaguriang The Revival King na kumanta ng Nandito Lang Ako, para once and for all ay tapusin na raw ang lahat ng isyung nag-uugnay sa kanila ng The Bad Boy ng Dance Floor na si Mark Herras.
Aminado ang singer na na-hurt siya sa bigla na lang pang-iiwan sa kanya ni Mark sa ere last Sunday nu'ng supposed to be ay magpe-present sila ng award sa PMPC's 38th Star Awards for TV, pero bigla na lang daw nagpaalam ang aktor na magsi-CR lang at hindi na bumalik.
Kaya last minute, tinawagan naman daw ng team niya si Rainier Castillo at ito na nga ang nakasama niya the whole night.
Sumama ang loob ni Jojo sa ginawa ni Mark kaya tinext daw niya ito ng mahabang mensahe ng pamamaalam at pasasalamat sa kanilang pagkakaibigan, pero imbes sorry at explanation, thumbs up lang daw ang reply ng aktor.
Kaya lalong na-hurt si Jojo at nagpatawag nga ng press para linawing never daw talaga silang nagkaroon ng relasyon ni Mark, at anumang pinansiyal na tulong na ibinigay niya sa aktor ay wala raw siyang hininging kapalit.
Ayon kay Jojo, inamin sa kanya ni Mark na may anxiety at depression ito at dahil sa awa kaya hindi siya makatanggi sa aktor tuwing dumadaing ito sa kanya na walang pera.
Ang ikinasasama lang ng loob ni Jojo, sa lahat ng nagawa niya para kay Mark, na bukod sa nabigyan niya ng mga raket ay nagkautang pa pala sa kanya ng more or less P1 million, bigla nga siyang iniwan nang wala man lang pasabi.
Kuwento pa ni Jojo, ikinagulat nga rin niya ang inasal ni Mark nu'ng nasa Luxent Hotel sila bago pa ang Star Awards for TV sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.
Habang magkakasama raw sila, bigla na lang siyang inaway at sinumbatan nito dahil nalaman daw ni Mark mula sa misis nito na binigyan niya ng cellphone si Rainier Castillo na isa pang nali-link sa kanya ngayon.
Binantaan pa nga raw siya ni Mark ng “‘Pag ako naetsapuwera rito, susunugin ko ang bahay mo,” at narinig daw ‘yun ng mga managers niya.
Tinanong namin si Jojo kung hindi ba siya nag-aalala na resbakan ni Mark ng demanda dahil sa mga sinabi niya at sagot nito, “Bakit naman ako matatakot, ako pa nga ang dapat magdemanda dahil sa pagbabanta niya sa aking susunugin niya ang bahay ko?”
Well, side ni Jojo ‘yan, at bukas pa rin naman kami sa paliwanag ni Mark Herras sa lahat ng ibinulgar laban sa kanya ng Revival King.
Anyway, after this controversy, gusto na lang daw mag-focus ni Jojo sa promo ng kanyang Nandito Lang Ako original song na composed by Jonathan Manalo at released ng Star Music kaya no wonder na malakas ang dating sa mga listeners at talagang nakaka-LSS (last song syndrome).
After Nandito Lang Ako, naka-line-up na ring i-record ni Jojo Mendrez ang Tamis ng Unang Halik, I Love You, Boy at Pare, Mahal Mo Raw Ako.
LOLO pala sa talampakan (great-great grandfather) ng former beauty queen na si Ms. Evangeline Pascual ang dakilang makata na si Francisco Baltazar a.k.a. Francisco Balagtas, ang lumikha ng epic poem na Florante at Laura.
Nabanggit ito sa amin ni Ms. Evangeline nang dumaan siya last Thursday (March 20) sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery na pag-aari ng kasamahan naming si Wilson Flores para sa advanced celebration ng World Poetry Day nu’ng Biyernes (March 21).
Ayon sa former beauty queen, dumaan lang siya para magbigay ng suporta sa kaibigang award-winning poet na si Prof. Vim Nadera na present sa event kasama sina National Artist for Literature Prof. Dr. Gemino Abad, accompanied by his daughter, Ateneo de Manila University educator Cyan Abad Jugo.
Nabanggit sa amin ni Ms. Evangeline na maglalabas siya ng sariling libro kung saan du’n daw mababasa ang istorya ng kanyang buhay at abangan n’yo na lang ang pasabog tungkol d’yan dahil this year din daw niya ilalabas ang naturang book.
Samantala, para sa pagdiriwang nga ng World Poetry Day, nagpa-sample ng kani-kanilang likhang tula sina Dr. Gemino at Prof. Nadera at ipinaalala sa mga kabataan at kasalukuyang henerasyon ang kahalagahan ng tula sa ating pamumuhay.
Nang mahingan ng payo si Dr. Abad para sa next generation of poets, aniya, “Work on your language the way the farmer works on his land," emphasizing the importance of linguistic mastery and imaginative expression.
Nakakabilib naman ang mga estudyante ng Neptali A. Gonzales High School sa Mandaluyong na sina Queen Jeramay R. Saldivar, Aries King T. Federis, and Pearl Mae Angela Cabudlan sa kanilang ipinamalas na balagtasan under the guidance of their teacher Jayson A. Cruz and supported by their principal Dr. Corazon Regino. At hindi rin nagpatalo si Sir Wilson ng Kamuning Bakery dahil kahit may dugong Chinese, magaling din pala itong gumawa ng tula na ipinamalas niya sa mga dumating na guests.