by Info @Editorial | Jan. 15, 2025
Nababahala ang Commission on Elections (Comelec) sa paglaganap ng text spoofing, text blasting o iba pang may kinalaman pagdating sa information technology, ngayong panahon ng eleksyon.
Ang ‘text spoofing’ ay panggagaya ng pangalan ng kumpanya, ahensya o kilalang personalidad para makapasok mismo sa lehitimong text thread habang ang ‘text blasting’ naman ay isahang pagpapadala ng text message sa maraming receiver.
Ayon sa poll body, mahirap ma-monitor ang mga may kinalaman sa ganitong gawain kaya patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para bantayan at pigilan ang mga ganitong kalokohan.
Kaugnay nito, kailangang maglatag ng mas mahigpit na mga polisiya at mga batas na magbabawal at magpaparusa sa mga ganitong uri ng gawain.
Ang mga mobile network providers ay may obligasyon ding magpatupad ng mga mekanismo upang mapigilan ang mga ganitong klase ng pag-abuso sa kanilang sistema.
Mahalaga rin ang papel ng bawat isa sa atin bilang mga botante. Dapat na maging mapanuri at responsable sa mga mensaheng natatanggap mula sa hindi kilalang numero o source.
Sa halip na mabola o madala sa mensaheng natatanggap, dapat suriin ito, maghanap ng iba pang mapagkakatiwalaang source, at mag-ingat sa pagpapakalat ng impormasyon na hindi pa nasusuri.
Tungkulin nating lahat, mula sa mga otoridad hanggang sa bawat isa sa atin na tiyakin na ang teknolohiya ay nagagamit para sa kapakanan ng bayan, hindi para maging sanhi ng pagkalito at pagkawatak-watak.