ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 27, 2020
Nangibabaw ang alamat ng bilyar mula sa Pilipinas na si Francisco "Django" Bustamante sa Challenge of Champions One Pocket sa tatlong araw na bakbakan sa palaruan ng Buffalo's Billiards ng Jefferson, Louisiana habang unti-unti nang nanunumbalik ang daigdig ng palakasan sa limelight sa kabila ng atake ng coronavirus.
Sa isang duwelong tumagal ng tatlong araw at may format na race-to-24, nakaharap ni Bustamante, minsan nang naghari sa World 9-Ball Championships, si Tony "T-Rex" Chohan. Naging mainit ang arangkada ng pambato ng Tarlac sa unang araw kaya nakatrangko agad siya, 7-1, pero nagising ang karibal na Amerikano kaya pagkatapos ng day 1 ay lamang pa si Chohan, 8-7.
Nakaresbak si Bustamante at nakaungos nang kaunti pagkatapos ng pangalawang araw ng pagtumbok, 16-14 kaya naplantsa ang isang dikdikang last day kung saan walang gustong maiwan kaya nauwi sa 8-8 ang iskor. Pero sa kabuuan, kay Bustamante napunta ang tagumpay sa serye, 24-22.
Ito na ang pangalawang paggitna sa tagumpay ng isang bilyaristang Pinoy sa gitna ng COVID-19 dahil noong nakaraang buwan, umangas ang manunumbok na si Roland Garcia nang tanghaling kampeon ang Pinoy sa 2020 Viking Cues Q City 9-Ball Tour Leg 1 na ginanap sa palaruan ng Break & Run Billiards sa Chesnee City, South Carolina,
USA.
Buwan pa ng Marso, ilang araw bago huminto ang buong mundo dahil sa COVID-19 nang mahablot ni Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ang runner-up honors sa harap ng world class na oposisyon nang magsara ang $100,000 Diamond Las Vegas Open sa palaruan ng Rio Hotel Casino sa Las Vegas, Nevada.
Sa susunod na buwan, sagupaang Roberto "Superman" Gomez at Justin "The Iceberg" Bergman naman ang aabangan sa Racks On The Rocks sa West Peoria, Illinois.