ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 5, 2020
Ilang buwan na ang nakakaraan nang inaresto si dating Kenyan Wilson Kipsang matapos itong lumabag sa curfew na pinapairal sa bansa upang mapigilan ang paglaganap ng coronavirus o COVID-19.
Pero dahil sa pagiging pasaway, apat na taong ban naman ang ipinataw sa kanya ng Athletics Integrity Unit matapos na makumpirmang pineke niya ang nga ebidensyang isinumite hinggil sa pagdinig naman sa kanyang kaso sa paggamit sa mga ipinagbabawal na substance.
Base sa AIU, mayroong nairehistro ng apat na whereabouts violation si Kipsang. Hindi rin nito naisumite ang sarili para sa mga substance tests. Isa sa kanyang palusot ay ang kinasangkutan diumanong aksidente sa kalye. Nagbigay siya ng larawan ng aksidente na kalaunan ay nadiskubreng nangyari tatlong buwan pagkatapos ng nakatakda sanang test niya noong Mayo 17.
Matatandaang nang mahuli ito tungkol sa curfew, lahat ay pinagbabawalang lumabas sa kani-kanyang bahay simula ikapito ng gabi sa Kenya pero ang mga awtoridad ay inalertohan tungkol sa isang grupo na nagtatago sa isang club sa Iten. Nang puntahan ng pulis ang lugar, inaresto ang grupong kinabibilangan ni Kipsang.
"These are high profile individuals who should be helping us in enforcement of the curfew. We are asking members of the public to stop abusing our reluctance to use full force during the enforcement of the curfew." pahayag noon ng pulisya.
Nagmarka si Kipsang sa pagrerehistro ng dating world standard sa marathon na dalawang oras, tatlong minuto at 23 segundo sa Berlin Marathon noong 2013. Kasama rin sa kanyang impresibong rekord ay ang bronze medal sa 42.195 kilometrong event ng London Olympics (2012), dalawang titulo sa London Marathon (2012 at 2014), isang korona ng New York City Marathon (2014) at minsang pamamayagpag sa Tokyo Marathon (2017).