ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 11, 2020
Magsasalpukan ang pinakamalupit na mga disipulo ng paspasang ahedres ngayong Sabado at Linggo upang malaman kung kanino mapupunta ang apat sa anim na upuan para sa Philippine Team na sasabak sa eksena ang prestihiyosong "face-to-face" na FIDE Online Olympiad 2020 simula Hulyo 22 hanggang Agosto 30.
Nasa listahan ng may tsansa sa online chess olympiad sina Grandmaster Rogelio Antonio, Jr., GM Rogelio Barcenilla Jr., GM Mark Paragua, GM Darwin Laylo, International Master Paulo Bersamina at IM Haridas Pascua. Sina Paragua at Antonio ang kumuha ng unang dalawang puwesto sa katatapos na torneong tinaguriang Battle of the GMs. Si Barcenilla ang nagkampeon sa huling National Chess Championships.
Ang Pilipinas ay makikipagtagisan ng husay laban sa mga "chess-playing nations" kabilang na ang mga pandaigdigang puwersa mula sa China, India, America at Europa.
Marami ang umaasang hindi mapapatid ang "winning streak" ng bansa sa international online chess. Kamakailan ay itinanghal na world champion si FIDE Master Sander Severino sa IPCA tournament.
Nagsimula na ang pagpapatala para sa Online Olympiad ng FIDE. Anim na kasapi ang kinakailangan sa bawat koponan. Sa anim, dalawa ay dapat na women chesser at dalawa ang junior woodpushers (isang binatilyo at isang dalagita na kapwa ipinanganak noong taong 2000 pataas). Pinapayagang magkaroon ng anim na reserve chessers at isang team captain.
Paiiralin ang 15 minuto - 5 segundo kada galaw na time control sa bakbakan. Mayroong dalawang bahagi ang Online Olympiad bukod pa sa play-off stages. Ang seedings ay nakabase sa resulta ng huling Gaprindashvili Cup at ng Batumi Chess Olympiad noong 2018.
Ang internet chess platform na gagamitin sa paligsahan ay hindi pa ipinapahayag.