ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 27, 2020
“Mandaraya!” Ito naman umano ang akusasyong ipinukol ni Grandmaster Gata Kamsky ng U.S.A kay GM Rogelio “Banjo” Barcenilla Jr. ng Pilipinas matapos hindi matanggap ng elite woodpusher ang kanyang dalawang magkasunod na pagkatalo sa kamay ng Pinoy sa kanilang online na duwelo.
Sa isang online post ng kabiyak ni Banjo na si Lilibeth, sinabi nitong, “Hubby practicing today by joining bullet online tournaments in preparation for Online Chess Olympiad next week! Beating Super GM Kamsky 2-0 and can’t accept results calling my hubby Cheater cheater!!! Tsk tsk tsk!!! idinagdag pa niyang nakalimutan daw ni Kamsky na lahat ay may pangil.
Dagli namang nagpakita ng suporta ang chess aficionados sa bansa nang tawagin nila si Kamsky na “loser”, “poor loser” at “sourgraping”. Sinabi pa ng isa na nawala ang kanyang respeto sa 46-taong-gulang at dating Soviet na si Kamsky.
Magandang senyales ito para sa paghahanda ng RP team na sasabak sa online chess olympiad dahil naiposte ni Barcenilla ang tagumpay tangan nang dalawang beses ang itim na piyesa.
Samantala, sa ginaganap na pinakaunang FIDE Online Chess Olympiad, tumatrangko sa Pool “A” ng pinakamababang grupo (“Base Division”) ang Myanmar at Fiji bitbit ang tig-aanim na puntos. Isang puntos naman sa likod nila ang Oman at Pakistan. Nagsosolo sa panglimang puwesto ang Brunei Darussalam (4.0 puntos). Ang mga koponan naman ng Lebanon, Bahrain at Qatar ang mga namamayagpag sa Pool “B” dahil sa rekord na 6.0 puntos habang nag-iisa sa unahan ng Pool “C” ang Cyprus dala ang walang mantsang kartada.
Puntirya ng mga bansang nabanggit na makahakbang patungo sa Division 4. Sa kabilang dako, hindi pa naglalaro ang pangkat nina IPCA world king FIDE Master Sander Serverino sa “Division 3” at ang Philippine Team na kabilang sa mga swak sa “Division 2”.