ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 7, 2020
Kinalos ng FIDE ang mga manlalarong sinasabing nasangkot sa paglabag sa mga tuntunin ng ginaganap na FIDE Online 2020 Olympiad.
Sa isang pahayag ng governing body ng ahedres sa buong mundo, binanggit ng FIDE na, "The Online Olympiad Fair Play Panel has identified four cases in which there are sufficient grounds to believe the Fair Play Regulations have been violated."
Kasama rin sa naturang pahayag na pinamagatang "FIDE Statement on anti-cheating cases at Online Olympiad", ipinahayag na ang lahat ng resulta ng mga nasangkot na woodpushers ay itinuring nang pagkatalo . Bukod dito, hindi na sila pinapayagan pang maglaro sa kompetisyon.
Apat na manlalaro mula sa Mali (Base Division), Brunei Darussalam (Division 4), Hongkong (Division 4) at Nicaragua (Division 4) ang nasangkot ngunit hindi na pinangalanan bagamat ipinaalam na sa mga tournament officials at team captains ang pangyayari.
"Online Olympiad Fair Play Panel has identified four cases in which there are sufficient grounds to believe that fair play regulations were violated. Mali, Brunei Hongkong, Nicaragua."
Samantala, umpisa na ang bakbakan para sa pangkat ng International Physically Disabled Chess Association (IPCA) na pinamumunuan ni Pinoy world champion at FIDE Master Sander Severino.
Nasa Pool B ang IPCA at makakasagupa sa isang round-robin na tuntunin simula ngayong Biyernes (Agosto 07) ang Angola, Portugal, Bostwana, Chinese-Taipei, Sri Lanka, Nigeria, Tajikistan, United Arab Emirates at Scotland. Ang top 3 finishers sa naturang pangkat ay aabante sa Division 2 kung saan nakatambay ang Pilipinas bilang isa sa mga seeded entries.