ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 20, 2020
Lalarga na ngayong Huwebes si Pinay parbuster Dottie Ardina sa prestihiyosong AIG Women's Open 2020 na sisimulan sa palaruan ng Royal Troon ng Scotland.
Tatangkain nitong magmarka sa Europa kung papaano kuminang si Yuka Saso sa Japan noong weekend.
Bihirang makaeksena sa isa sa mga pinakamalaking global event ng women’s golf ang tatlong kulay ng Pilipinas at sa pagkakataong ito, si Ardina ang nakasungkit ng karapatan para lumahok sa paligsahang tinatawag ding British Open.
Nakuha ng 26-taong-gulang na Pinay, isang dating Symmetra Tour runner-up, ang upuan sa isa sa mga golf majors ng malupit na Ladies Professional Golf Association (LPGA) matapos nitong mairekord ang isang top-20 performance sa Marathon LPGA Classic Presented By Dana sa Sylvannia, Ohio. Sa naturang kompetisyon, sampung upuan papunta sa prestihiyosong bakbakan ang nakaabang sa mga manlalaro.
Nakasama ng Pinay mula sa Canlubang sina Maria Fassi (Mexico), Andrea Lee (USA), Emma Talley (USA), Kendall Dye (USA), Sophia Popov (Germany), Kelly Tan (Malaysia), Patty Tavatankit (Thailand), Peiyun Chien (Taiwan) at Lindy Duncan (USA) papasok sa AIG Women's Open.
Bitbit ni Ardina, kampeon ng 2020 Ballarat Golf tilt sa Australia, ang momentum ng unti-unti niyang pagbalik sa pangkameponatong porma matapos na kalawangin dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus. Sa unang torneo niya mula sa community quarantine (Drive-On Championships sa Ohio), nasibak siya pagkatapos lang ng dalawang rounds. Sa Marathon Classic, tila malalaglag na naman ang dating jungolf star ng bansa pero unti-unting gumanda ang kartada niya (72-70-69-67) kaya naiposte niya ang isang 6-under-par 278 strokes na iskor at maiuwi ang halos PHP900,000 gantimpalang salapi.
Taong 2002 nang isang Pinay, si Jennifer Rosales, ang lumahok sa British Open at tumapos sa pang-apat na puwesto. Si Rosales din ay nakahablot ng pang-apat na baytang sa 2004 US Open. Si Hinaku Shibuno ng Japan ang nagkampeon sa torneo noong 2019.