ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 2, 2020
Idineklarang co-champions ang India at Russia sa isang maigting na labanang nauwi sa hindi inaasahang pagtatapos ng pinakaunang FIDE Online Chess Olympiad.
Sa best-of-three championship duel ng dalawang powerhouse na koponan, nauwi sa gitgitang 3.0-3.0 na tabla ang unang match. Russia ang nagkumahog para maitabla ang unang salpukan.
Opensiba naman ang India sa pangalawang match. Ang diskarte naman ng kinatawan ng Asya ay itabla ang mga top boards bago humataw sa lower boards kung saan sila lyamado. Sa kasamaang palad, naputulan ng koneksyon ang mga manlalaro ng India kaya ipinoste ang isang 4.5-1.5 na panalo.
Nagprotesta ang India at dagli namang nagsiyasat ang Appeals Committee. Napag-alamang malawakan ang pagkakaputol ng internet at may substansya ang protesta ng India. Dahil dito, nagdesisyon ang nagsasaayos na FIDE na gawing co-champions ang Russia at India. Si FIDE President Arkady Dvorkovich pa ang opisyal na nagpahayag ng desisyon.
Sosyo naman sa pagiging tersera ang mga semifinalists na Poland at tropang USA ni Grandmaster Wesley So. Ang world chess power na China, kampeon sa huling standard Chess Olympiad sa Batumi ay hindi man lang nakapasok sa final 4.
Ang Philippine Team o Agila naman ay nagsimulang kumamada ng mga panalo sa Division 2 ng torneo pero hindi nakapasok sa top 3 ng Pool A kaya naging miron na lang. Pero naging best performer naman ng Division 2 Pool A sa board 1 si GM Mark Paragua.
Sa kabilang dako, umangat naman galing sa Division 3 patungong Division 2 ang tropang International Physically Disabled Chess Association o IPCA ni Pinoy FIDE Master Sander Severino pero hindi napabilang sa unang tatlo finishers sa Pool nila kaya nagwakas na rin ang kanilang paglalakbay.