ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | October 20, 2023
Nalampasan ni Rubilen Amit ang unang dalawang mga balakid sa kanyang tangkang pagtumbok ng makasaysayang pangatlong trono matapos daigin ang dalawang kinatawan ng Asya sa ginaganap na World 10-Ball Women's Championships sa Klagenfurt, Austria.
Bagamat maagang nakalamang ang kalaban, 0-1, maaga pa rin namang tinalo ni "Bingkay" Amit si South Korean Jin Hye Ju sa iskor na 7-3 sa kanyang unang pagsubok para rin masungkit ang winner's purse na $50,000.
Pero nanganib naman ang paglalakbay ng Cebuana nang makaharap niya agad sa
tunggaliang nasasaksihan sa rehiyon ng Carinthia si World Pool Billiards Association no. 1 at defending champion Chieh Yu Chou ng Taiwan. Nagkumahog sa kabuuan ng match-up si Amit, 1-4 at 4-6, pero hindi ito basta nagpakaldag at naitakas ang panalo, 7-6.
Susunod na haharapin ng 2009 at 2013 world champion mula sa Pilipinas si Taiwanese Wang Lin Wan sa winners' qualification round. Isa pang panalo at uusad na si Amit, 42-anyos, sa knockout stage ng paligsahang nilimitahan lang sa 48 sa pinakamababangis na mga lady cue artists sa buong daigdig at naglalaan ng kabuuang cash pot na $150,000.
Ganito na rin ang sitwasyon ni Chezka Centeno, 24-taong-gulang na reyna ng 2022 Asian Women's 9-Ball, kapag hinarap nito ang mapanganib na si Allison Fisher ng Great Britain. Nauna rito, pagkatapos na makakuha ng opening round bye, nilagpasan ni "The Flash" Centeno, tubong Zamboanga at 2019 SEA Games 10-Ball gold medalist, ang hamon ng Intsik na si Xiaoting Pan, 7-4.