ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | March 24, 2024
Tinuruan ng leksyon ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna ang dating solo lider na si Ruelle Canino upang pasiklabin ang kanyang pangkampeonatong paghahangad pagkatapos ng siyam na yugto ng Philippine National Women's Chess Championships sa Lungsod ng Malolos sa Bulacan.
Ang panalo ay pang-apat na sunod na ng tanging WGM ng Pilipinas pagkatapos ng mabagal na simulang apat na tabla at isang talo. Ito rin ay naging susi upang umangat ang rekord ng batikang si Frayna (Rating: 2234) sa 6.0 puntos at makaakyat sa pangatlong baytang.
Sa kabila naman ng pagkatalo, nasa unahan pa rin ng mga kababaihang woodpushers ang nanonorpresang si Canino. Ang 15-taong-gulang na aspirante ay may kabuuang 7.0 puntos mula sa siyam na salang sa board at may magandang tsansa pa rin sa korona na nagkakahalaga ng P85,000 gayudin sa paghablot ng upuan bilang kinatawan ng bansa sa Asian Indoor & Martial Arts Games (Nobyembre, Bangkok, Thailand) at FIDE World Chess Olympiad (Setyembre, Budapest, Hungary) bago matapos ang taon.
Pero tinatayang magiging isang gitgitang pagtatapos ang mangyayari sa paligsahang binansagan ding Battle of the Woman Masters dahil bukod kay pre-tournament favorite Frayna at dehadong si Canino, nasa eksena pa rin si Woman International Master Jan Jodilyn Fronda (Rating: 2053) na kasosyo naman sa liderato si Canino (Rating: 1902) bunga na rin ng naipong 7.0 puntos.
Hindi na inaasahang makakahabol pa sa karera para sa korona ang mga bumubuntot na sina WIM Kylen Joy Mordido (5.5 puntos) at Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza (5.0 puntos) na nakasalampak na lang sa pang-apat at panglimang puwesto ayon sa pagkakasunod-sunod.