ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 03, 2021
Pinangunahan nina untitled Merben Roque, International Master Daniel Quizon, IM John Marvin Miciano, Michael Concio Jr. at FIDE Master Austin Jacob Literatus ang atake ng mga Pinoy chessers sa World Cup 2021 Qualifying Tournament - Zone 3.3 Open Championship na ginaganap sa pamamagitan ng hybrid format base sa panuntunan inilatag ng world governing body ng ahedres.
Samantala, sa PSC-NCFP Mindanao Leg elimination, pulos panalo at tabla ang naging dekorasyon ng rekord ni Samson Chin Lim upang iposte ang walong puntos mula sa siyam na rounds at itakbo ang korona sa men’s division. Walong puntos din ang naging pasaporte ni Rowelyn Joy Acedo upang tanghaling reyna na pagtitipon.
Dinaig ni 12th seed Roque (rating: 2330) si Malaysian bet Jie Anderson Em Ang (no.38, rating: 1910), hindi nakaporma si John Jerish Velarde (no.39, rating: 1896) sa kababayang si Quizon (no. 13, rating: 2319), tinalo ni Miciano (no. 14, rating: 2316) si AIM Sebastien Sian Che Chua (no.40, rating: 1815) ng Malaysia, wagi si Concio (no. 16, rating: 2297) kay Edwin Wai Choong Lam (Malaysia, ni. 42, rating: 1787) habang humugot ng buong puntos si Literatus (no.23, rating: 2180) sa kapwa Pinoy na si John Gabriel Umayan (no.49, rating: 1524).
Umiskor din ng panalo para sa tatlong kulay ng bansa sina Michael Gotel (rating:2238) at Kimuel Aaron Lorenzo (rating: 1769) ngunit nahatak sa isang sorpresang hatian ng puntos si 5th seed Grandmaster Darwin Laylo (rating: 2434) nang makaharap niya si 31st ranked Tze Shan Rohan Navaratnam (rating:2071) ng Malaysia.
Ang pinakamalaking upset sa torneo ay nasaksihan sa unang board nang maungusan si GM Susanto Megaranto (rating: 2550) ng Indonesia ni Thai CM Prin Lao Hawirapap (rating: 2125) na pang-27 lamang sa pre-tournament seedings.