ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 08, 2021
Magsisimula na ngayong linggo ang paglalakbay ng Pilipinas papunta sa makasaysayang pang-apat na korona sa prestihiyosong World Cup of Pool na masasaksihan sa Stadium MK ng Milton Keynes, England.
Nagkampeon ang bansa noong 2006 at 2009 dahil sa tikas ng mga Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famers na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante. Taong 2013 naman nang maghari ang tambalang Dennis “Robocop” Orcullo at Lee Van “The Slayer” Corteza para sa Pilipinas.
Muntik nang mahablot ng mga Pinoy ang pang-apat na titulo noong 2019 nang pumangalawa sina Carlo “The Black Tiger” Biado at Jeffrey “The Bull” De Luna sa likod ng Albania na nagkampeon sa tulong nina Albin Ouschan at Mario He. Walang naganap na World Cup of Pool noong 2020 dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Ngayong 2021 edition, sasandalan ng bansa ang tambalan nina De Luna at ni Roberto “Superman” Gomez. Unang sasagupain ng dalawang Pinoy ang Great Britain “B” na binubuo nina Kelly Fisher at Allisilon Fisher. Si De Luna ay sariwa sa pangungulekta ng dalawang titulo sa U.S. pro circuit samantalang si Gomez, minsan nang naging runner-up sa World 9-Ball Championships bagamat hindi ito seeded sa main draw, ay naghari sa Midwest One Pocket Open Tournament sa Estados Unidos pa rin.
Maraming matitikas na nakaharang sa daraanan ng Pilipinas papunta sa trono. Una sa talaan ang 2017 at 2019 champions Austria nina Ouschan at He. Kasama rin ang pamatay na tambalan nina Skyler Woodward at Billy Thorpe para sa U.S.A. at ang pambato ng punong-abalang United Kingdom na sasandal sa tikas nina Jayson Shaw at Chris Melling.
Masama rin ang tingin sa 2019 runner-up na Pilipinas ng mga billiards icons ng Kuwait, Estonia, Hungary, Lithuania, Japan, Australia, Albania, Croatia, Bosnia & Herzegovina, Belgium, Denmark at Czech Republic.