ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 15, 2021
Hinirang si 2017 World Games gold medalist Carlo “The Black Tiger” Biado ng Pilipinas bilang kampeon ng Big Tyme Classic One Pocket sa Spring, Texas matapos daigin sa finals si Josh Roberts.
Hinatak din ni Biado, naging pinakamalupit na manunumbok sa 9-Ball sa buong mundo noon ding 2017, ang iba pang mga Pinoy sa isang impresibong 1-3-5-6 na pagtatapos dahil pumangatlo ang Cebuanong si Warren “The Warrior” Kiamco sa paligsahan at nasosyo naman sina 2017 World 9-Ball runner-up Roland Garcia at 2004 World 9-Ball king Alex “The Lion” Pagulayan sa panglima at pang-anim na mga puwesto.
Ito na ang pangalawang titulo ni Biado sa mayamang pool circuit ng U.S. Nagwagi rin siya sa 3rd Cajun Coast Classic 9-Ball sa Louisiana noong Mayo. Dalawang 3rd place performance din ang nasaksihan mula sa kanya noong lumahok ito sa Buffalo One Ball One Pocket at Buffalo 9-Ball sa Jefferson, Los Angeles noon ding nakalipas na buwan.
Samantala, kinuha ni Austrian Albin Ouschan ang kanyang pangalawang korona sa loob ng limang taon habang nagbunyi ang mga taga middle east nang pumangalawa si Kuwaiti Omar Alshaheen matapos magsara ang 2021 World Pool Championships sa Milton Keynes, England.
Dalawang kinatawan ng Pilipinas ang sumargo sa kompetisyong minsan na ring napagwagian nina Biado, Efren “Bata” Reyes, Alex “The Lion” Pagulayan, Ronnie “The Volcano” Alcano at Francisco “Django” Bustamante. Si Roberto “Superman” Gomez ay hanggang round-of-32 lang nakarating bagamat tinalo niya noong pre lims ang eventual champion mula sa Austria habang si Jeffrey “The Bull” De Luna ay hindi nakalusot sa group qualifiers.