ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 15, 2021
Ramdam na ramdam ang husay sa pagtumbok ng mga kinatawan ng lahing kayumanggi matapos na mamayagpag sina Roland Garcia at Dennis "Robocop" Orcullo sa pangalawang edisyon ngayong panahon ng pandemya ng Iron City Open - Scotch Doubles 9 Balls at One Pocket na sagupaan sa Birmingham, Alabama.
Bukod sa dalawang nabanggit na mga larangan, umaalagwa rin ang mga Pinoy sa 9-Ball at 10-Ball na bakbakan na kasalukuyan pang ginaganap habang isinusulat ang artikulong ito.
Sa Scotch Doubles, petmalu na tambalan ang nasaksihan kina Garcia at Orcullo nang tapusin nila ang torneo nang wala ni isa mang galos. Kasama sa mga nasingitan nila ng panalo ang mga pinagsanib-puwersang Matt Littleton - Luke Wilkins (5-0); Kevin Ping - Louis Altes (5-1); Andy Warren - Dan Picard (5-0) at Manny Chau - Justyn Cone (5-2).
Ang kumbinasyon nina Josh Roberts at Raed Shabib ang nakakuha ng runner-up honors dahil sa naiposteng 6-2 panalo-talong rekord habang pumangatlo sina Chau - Cone na may kartada namang 4-2.
Ang dalawang cue artists mula sa Pilipinas pa rin ang nangibabaw sa One Pocket nang magkampeon si Garcia, 2017 World 9-Ball Championship runner-up, at pumangalawa naman si dating world 8-ball king at one-time World Cup of Pool winner Orcullo.
Nakapasok sa finals si Garcia nang bokyain niya sa quarterfinals si Orcullo (4-0) at singitan sa semifinals si Tony Chohan sa iskor na 4-3. Si Orcullo ay nagkaroon ng tsansa na makuha ang trono matapos mananalasa sa loser’s bracket. Sa duwelo para sa titulo, tinagpas ni Garcia si Orcullo (6-3).