ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 24, 2021
Nakatakdang madagdagan ang bilang ng mga Pinay na sumasabak sa malupit na Ladies Professional Golf Association (LPGA) Tour matapos malusutan ni Southeast Asian Games gold medalist Abegail “Abby” Arevalo ang katatapos na Qualifying School Stage 1 Tournament sa California.
Maluwag na nakapasok sa Stage II si Arevalo sa bakbakang ginanap sa iba’t-ibang golf courses (Mission Hills Country Club; Rancho Mirage; Shadow Ridge Golf Club) matapos itong umiskor ng 3-under-par 285 strokes pagkatapos ng 4 rounds. Ito ay sapat na para makuha niya ang pang-33 na posisyon sa paligsahang binigyan ang top 95 scorers para umusad sa susunod na yugto.
Ang Stage II ay gaganapin simula Oktubre 18 hanggang 24 samantalang ang pinal na yugto (Q-Series) ay papalo sa Nobyembre at Disyembre. Pagkatapos ay ilalabas na ang listahan ng mga puwedeng maglaro sa LPGA sa 2022. Sa kaugnay na kaganapan, ang husay ng mga Pinay parbusters na sina Yuka Saso at Bianca Pagdanganan ay lumutang sa ilang mga departamento ng LPGA.
Sa larangan ng Average Driving Distance, pumapangalawa si Pagdanganan dahil sa kanyang kartadang 285.021 yarda. Ang double gold medalist ng 2019 Southeast Asian Games ay bumubuntot sa nangungunang si Dutch Anne Van Dam. Ang pambato ng Netherlands ay may rekord na 292.237 yarda ngunit angat ang Pinay sa pumangatlong si South Korean A. Lim Kim (279.829 yarda).
Pangalan ni Saso ang kasama sa Moneyboard centerstage dahil ang apagwagian nang salapi sa bakbakang LPGA ay umabot na sa $ 1,212,225. Nasa harapan niya sina world no. 1 Nelly Korda (USA) at si Lydia Ko ng New Zealand. Sina Korda (gold) at Ko (bronze) ay kapwa nagmarka sa katatapos na Tokyo Olympics.
Nasa pang-apat din si Asian Games champion Saso sa pinakamataas para sa Rolex Annika Major Award dahil sa naipong 60 puntos. Naging pasaporte ng 20-anyos na Fil-Japanese ang pagkopo ng korona sa 2021 U.S. Open sa isang makasaysayang resulta.