ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 10, 2021
Hindi napahiya ang mga eksperto nang dominahin nina pre-tournament favorites Aaron Kimuel Lorenzo at Jasper John Laxamana pagkatapos ng pitong yugto ang online na sagupaang tinawag na Philippine National Chess Championships - Luzon Leg.
Kalmanteng kinandaduhan nina 2nd seed Lorenzo ang titulo sa tulong ng natipong 6.5 puntos (anim na panalo at isang draw sa huling round) mula sa pitong salang sa board. Kabuuang 5.5 puntos at mas makinang na tiebreak output naman ang sinandalan ni Laxamana para makuha ang karangalan bilang runner-up.
Pero nasira ang anunsyo sa topseed na si Gil Virgen Ruaya nang pumang-apat lang ito sa likod ni 12th seed Joseph Lawrence Rivera na nakasalisi sa huling upuan sa podium ng kompetisyong isinaayos ng National Chess Federation of the Philippines o NCFP.
Sinagasaan ni Lorenzo, may rating na 2201, sina pre-tournament top bet Ruaya nung panglimang yugto, no. 5 Francis Talaboc (round 6), 10th ranked Emmanuel Asi (round 4), Cassandra Arleah Salian (29th seed, round 1), Bryan Vincent Paragas (21st seed, round 2) at Raymond Leonard Reyes (19th seed, round 3) bago Ito nagmenor sa huling round sa pamamagitan ng isang tabla laban kay 3rd ranked Laxamana nang sigurado na siya sa trono.
Dahil sa tagumpay, nakapagposte si Lorenzo, may rating lang na 2201 bago nagsimula ang torneo, ng performance rating na 2338.
Samantala, nakuha ni Woman FIDE Master Glo Samantha Revita ang unang puwesto sa Wilfredo Neri Memorial Cup - Open Category. Pito at kalahating puntos ang rekord ni Revita sa siyam na rounds na paligsahang ginanap sa unang pagkakataon. Pumangalawa si AGM Henry Lopez sa tulong ng kanyang 6.5 puntos at mas mataas na outbreak points habang pumangatlo si NM Joey Albert Florendo (6.5 puntos).