ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | August 14, 2024
Muling umukit ng kasaysayan ang pambato ng Pilipinas na si Rianne Mikhaella Malixi sa pamamagitan ng paghablot sa korona ng prestihiyosong U.S. Women's Amateur Tournament sa Tulsa, Oklahoma.
Ito pa lang ang pangalawang beses sa nakalipas na walong taon na isang tao lang ang nangibabaw kapwa sa U.S. Women's Amateur at sa U.S. Girls Championships (California) sa magkaparehong taon.
Tinalo ni Malixi si Asterisk Talley ng USA sa isang dikitang duwelo sa loob ng dalawang araw at inilatag na 36 holes. Isang matinding sipa sa homestretch kung saan umangat siya sa hole nos. 31, 32 at 33 bago tumabla sa pang-34 na butas ang tuluyang nagbigay sa kanya ng 3 & 2 na tagumpay kahit na may natitira pang 2 butas.
Ang tagumpay ng 17-taong-gulang na Pinay sa fairways at greens ng Country Hills Country Club ay pangatlo na niya ngayong 2024 dahil bukod sa kambal na korona sa Estados Unidos ay hinirang din siyang reyna sa Women's Australian Masters of the Amateurs noong Enero. Sumegunda rin siya sa dalawang iba pang mga paligsahan.
Sa Oklahoma pa rin, sinagasaan ni Malixi, kasalukuyang no. 10 sa Women's World Amateur Golf Rankings, patungo sa pangkampeonatong duwelo sina Annabelle Pancake (2 & 1, USA, Round-of-64,), Anna Huang (2 & 1, Canada, Round-of-32), Scarlett Schremmer (3 & 2, USA, Round-of-16), Catherine Rao (2 & 1, USA, Quarterfinals) at USA bet Kendall Todd (1 up) noong semifinals ng kaganapang isinaayos ng U.S. Golf Association.