ni Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | June 11, 2022
Walang planong kumalas sina Pinay parbusters Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina sa kanilang mga pangarap na makapagparamdam sa professional women's golf sa buong mundo at sabay silang hahataw sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) Shoprite Classic sa Galloway, New Jersey ngayong weekend.
Hahataw ang dalawang pambato ng Pilipinas kasama ng mga malulupit na pangalan sa malupit na tour na nakabase sa Estados Unidos. Kabuuang $1,750,000 ang nasa palayok ng pabuyang puwedeng iuuwi ng mga mananalo sa tatlong araw na patimpalak na tatampukan ng 54 na butas sa par-71 na golf course.
Tiyak na gigil na makabawi sina Pagdanganan at Ardina matapos ang mapaklang mga laro nila sa prestihiyosong US Women's Open na ginanap sa Pine Needles Lodge and Golf Club ng Southern Pines, North Carolina.
Nakapasok sa weekend play si Pagdanganan, dating reyna ng Southeast Asian Games, at nakapagbulsa ng $19,777 sa US Open. Pero ito ay malayo sa trono dahil pang-68 lang siya sa kabuuan.
Samantala, bagamat nakahirit ng titulo na nagkakahalaga ng $30,000 sa Epson Tour si Ardina, 28-taong-gulang, nang magwagi ito sa Copper Rock Championships sa Utah kamakailan, naobliga naman siyang mag-empake pagkatapos lang ng dalawang rounds sa US Open dahil sa lumobong iskor. Ganito rin ang naging kapalaran ni 2021 US Open titlist Yuka Saso na ngayon ay kumakatawan na sa Japan.