ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 6, 2022
Lumipad si "Pinoy Superman" Roberto Gomez patungo sa trono matapos walisin ang oposisyon sa Texas Open One Pocket na ginanap sa palaruan ng Skinny Bob's Billiards ng Roundclock, Texas.
Walang nakaporma sa tikas ni Gomez sa double-elimination na paligsahang nilahukan ng mga mababangis na one pocket warriors.
Pagkatapos ng opening round bye, nasingitan ng Pinoy sina Josh Robert (5-3), Billy Thorpe (5-4) at Venezuelan Jerry Calderon (5-2) kaya nakasampa siya sa hotseat. Dito, nakaharap niya si AZBilliards Moneyboard frontrunner Fedor Gorst ng Russia. Hindi rin umubra ang Ruso at nangibabaw ang angas sa pagtumbok ng 2007 World 9-Ball Championship runner-up na si Gomez sa iskor na 5-3.
Nang masipa sa losers' bracket si Calderon, kumayod ito hanggang makuha ang natitirang upuan sa finals ng kompetisyon. Dito, sinagasaan niya sina Billiards Congress of America Hall of Famer Alex Pagulayan (4-1), 2017 World 9-Baĺl 2nd placer Roland Garcia (4-2) at 2019 World 9-Ball king Gorst (4-2). Nakuntento sa huling upuan ng podium ang Rusong kilala rin sa pool circle bilang "The Machine" habang nakuha ni Calderon ang karapatan na makipagduwelo kay Gomez.
Bitbit ang twice-to-beat na bentahe, kumpiyansang dinaig ni Gomez, 43-taong-gulang at tubong Zamboanga, si Calderon, 5-3, para makandaduhan ang korona.
Dahil sa tagumpay, nananatili ang solidong kampanya ni Gomez sa Estados Unidos.
Kamakailan ay tinangay niya ang dalawang runner-up honors sa 2022 Hex.com Pro-Am Tournament sa CR's Sports Bar ng Coon River, Minnesota.