ni Eddie M. Paez, Jr. @Sports News | Dec. 15, 2024
Photo: Darter Lourence Ilagan / World Darts
Sisimulan ni Lourence Ilagan ang kampanya ng Pilipinas sa malupit na World Darts Championships kapag nakipagtagisan na ng husay ang Pinoy kontra kay Englishman Luke Woodhouse ngayong Lunes sa United Kingdom.
Bitbit sa tudlaan sa Alexandra Palace ng katunggaling si world no. 35 "Woody" Woodhouse ang kumpiyansa ng pagiging semifinalist niya sa European Championships.
Sa kabilang dako, hindi naman nagpapaiwan ang 46-taong-gulang na si "The Gunner" Ilagan dahil sa pangingibabaw nito sa PDC Asian Championships noong Oktubre.
Bukod dito, pumangalawa rin ang Pinoy sa PDC Asian Tour Order of Merit. Ito na rin kanyang pangsiyam na pagtapak sa nasabing pandaigdigang palaruan.
Kung makakalusot sa opening round ng paligsahan, ang bigating si World Grand Prix winner Mike De Decker ng Belgium naman ang sasagupain ni Ilagan sa pangalawang round ngayong Martes.
Si Paolo Nebrida naman ang papagitna para sa tatlong kulay ng bansa sa darating na Miyerkules kapag hinarap nito ang hamon ni Welsh Jim Williams na minsan naman nang humawak ng BDO World Trophy.
Araw naman ng Biyernes tatapat ang spotlight kay Sandro Sossing na nakatakdang humarap kay Zwaantje Masters king Ian White na isa pa rin sa sinasandalan ng punong-abala.
Kasama sa pupuntiryahin ng mga darters sa prestihiyosong paligsahan ang pabuyang £60,000 na ibubulsa ng sinumang makakapagposte ng mabangis na 9-darter.