E-Sports Corner
AARANGKADA na ang pinakaunang liga ng eSports sa Pilipinas na tinatawag na “The Nationals” ngayong Marso 17, 2019.
Makikipagsagupaan ang anim na koponan sa kampeonato ng Dota 2, Tekken 7 at Mobile Legends: Bang Bang. Ang Dota 2 ay idaraos sa pamamagitan ng mga personal computers samantalang ang bakbakan ng Tekken 7 ay masasaksihan sa consoles. Sa kabilang dako, sa mga mobile phones naman arangkada ang Mobile Legends.
Sa pag-oorganisa ng Gariath Concepts, ang anim na teams naman na nag-aambisyong mangibabaw ay ang mga sumusunod: Bren Epro (ni Bernard Chong), Cignal Ultra (ni Jane Basas), Suha (ni Jobe Nkemakolan), Happy Feet Emperors (ni Kevin Chung), STI (ni Mhel Garrido) at PLDT Smart (ni Andrew Santos).
Tumatayong Nationals Commissioner si Ren Vitug habang si Kevin Chung ang kasalukuyang pangulo ng eSports na ligang magsasagawa ng anim na conferences ng bakbakan. Dalawang conferences kada larangan ang nasa kalendaryo. Ang larangan ng esports ay kinikilala ng Games and Amusement Board (GAB).
Nauna rito, nakumpirma ang pagkakasali ng eSports sa 2019 South East Asian Games (SEAG) kung saan tatayong punong-abala ang Pilipinas. Inaasahan ding malaki ang potensiyal ng mga Pinoy na magningning sa larangang ito dahil walang “physical boundaries”, walang limitasyon sa edad at wala ring language barriers.