ni VA / MC / Delle Primo - @Sports | May 15, 2022
Mag-uuwi si Filipino Olympian Cris Nievarez ng isa pang dagdag na medalya sa rowing medal mula sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam.
Bronze medal ang idinagdag niya kahapon sa men's lightweight single sculls event. Unang nakapagwagi siya ng silver medal sa men's lightweight double sculls event.
Bukod kay Nievarez, nakapagbulsa rin ng bronze medal sina Edgar Illas at Zuriel Sumintac para sa men's lightweight pair event. Ang Pilipinas ay mayroon nang kabuuang 8 medalya para sa rowing team.
Samantala, 2 pang medalya ang nakuha nina wushu athletes Agatha Wong at Jones Inso kahapon. Silver medal ang nasungkit ni Wong women's taolu taijiquan event, habang si Inso ay bronze sa men’s taolu taijijian event.
Ito ang ika-2 medal ni Inso kung saan naka-silver siya sa men's taijiquan noong Biyernes. “I’m still grateful for the silver kasi two months lang ang training namin. I wasn’t expecting anything. But I did my best so that’s enough na,” ani Wong, silver medalist noong 2015 World Championships sa Jakarta.
Samantala, naging malamlam ang tsansa ng bansa na muling maka-podium sa men's volleyball matapos mabigo ng ating national team sa una nitong laro kontra Cambodia kahapon sa 31st SEAG sa Hanoi,Vietnam.
Hindi nagawang isalba ng magandang performance na ipinakita ni Bryan Bagunas ang koponan na tumiklop sa loob ng apat na sets, 21-25, 26-24, 28-30, 27-29, sa Cambodian squad sa simula ng kanilang kampanya sa Dai Yen Arena sa Quang Ninh, Vietnam. Winalis ng mga Pinoy ang Cambodia noong 2019 SEAG tungo sa kanilang silver medal finish. Ngunit sa pagkakataong ito ay napaghandaan sila ng mga Cambodians na nagpamalas ng end game poise sa pamumuno ni Voeurn Veasna kaya di nakahirit ng decider ang mga Pinoy.
Matapos maitabla ni Marck Espejo ang 4th set sa 27-all, umiskor ng dalawang sunod ang mga Cambodians mula sa isang block at isang attack upang ganap na tapusin ang laro.