ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | July 18, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa bawat animal sign ngayong 2020, talakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng Sheep o Tupa ngayong Year of the Metal Rat. Ang Sheep o Tupa ay tinatawag ding Goat o Kambing.
Kung ikaw ay isinilang noong 1919, 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003 at 2015, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Sheep o Goat.
Ang Sheep o Tupa ay isa sa pinakamapalad na nilalang sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo dahil kahit hindi siya magtrabaho nang sobrang bigat o sobrang hirap, tiyak na siya ay yayaman at uunlad, lalo na sa negosyo at pamomolitika.
Ipinagkaloob din ng langit sa Tupa ang mabubuti at tagapagtangkilik na kaibigan, kamag-anak, karelasyon, kasamahan sa trabaho o kasama sa buhay, na handa laging tumulong at magmahal sa kanya.
Ang ikatutuwa mo pa sa isang Tupa, sa panahon namang siya ay sobrang sagana na at napakayaman, hindi niya nakakalimutang tumulong sa mahihirap at nangangailangan, kaya hindi kataka-taka na palagi siyang pinagpapala at pinauulanan ng sari-saring mga biyaya at pagpapala ng langit.
Sa pakikipagrelasyon at pakikipagkaibigan, ang Tupa ay sinasabing sobrang mapagmahal sa kanyang pamilya at handa itong isakripisyo ang lahat alang-alang sa kanyang mga mahal sa buhay. Dahil likas na mabait, likas din sa puso niya ang maaawain at mapagmahal, lalo na sa mga tao o bagay na nagiging kaakibat o bahagi ng kanyang buhay at makulay na karanasan.
Sa kabuuan, masarap kasama ang Tupa dahil madalas na siya ay bukod sa may magandang panlabas na anyo, maganda rin ang kanyang likas na ugali at minsan ay masiyahin at nakatutuwang kasama, pero kadalasan ay likas na tahimik at hindi gaaanong papansin.
Dagdag pa rito, sa lahat ng bagay, top priority o pinapahalagahan niya, higit sa materyal na bagay ay ang sitwasyong gustung-gusto niyang nakikitang buo, sama-sama at masaya ang kanyang iniingat-ingatang pamilya.
Sa pag-ibig, sobrang mapagmahal ang Tupa kahit dumating sa puntong siya ay hindi gaanong mahal ng taong kanyang tinatangi-tangi at sinasamba, okey lang sa kanya ang ganu’ng sitwasyon. Kaya namang bagama’t, nagagawa niyang maging masaya sa sariling paraan, kahit madalang ang mga kaibigan at kabarkada, mas masarap na saya ang nararanasan niya kapag kasama niya ang kanyang pamilya.
Ang isa pang nakatutuwang ugali ng Tupa ay mahilig din siyang umalala sa kanyang mga mahal sa buhay sa panahon ng kanilang anniversary, birthday o anumang okasyon, hindi niya ito pinalalagpas nang hindi bumabati o nag-o-offer kahit na isang simpleng kasiyahan. Bukod sa mahilig umalala sa mahahalagang okasyon, mahilig din siyang bumili at magbigay ng mga bagay sa mga mahal niya sa buhay para mapasaya sila.
Sa pakikipagrelasyon, ka-compatible ng Tupa ang Rabbit o Kuneho at kadalasan ay tumatagal at kung minsan ay panghabambuhay na ang pagkakaibigan ng Tupa at Kuneho dahil nagkakaintindihan sila, hindi lamang ang kanilang damdamin kundi pati na rin ang kanilang kaluluwa.
Tugma rin sa mahiyain, kimi at tahimik na Tupa ang optimistic, masayahin na Kabayo.
Dagdag pa rito, puwede ring makasama ng Tupa ang maharot na Unggoy, ang matapang at malakas ang loob na Dragon at ang praktikal at nagtatali-talinuhan na Tandang.
Itutuloy