ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 1, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng magiging kapalaran ng bawat animal sign, talakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging sadlakang kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.
Kung ikaw ay isinilang noong 1920, 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.
Ang Monkey ay ika-siyam sa 12 animal signs sa Chinese Astrology kung saan siya rin ang zodiac sign na Leo sa Western Astrology, na may kaakibat na planetang Sun.
Ang mapalad na oras sa Unggoy ay mula alas-3:00 ng hapon hanggang sa alas-5:00 ng hapon, sa mapalad na direksiyong west-south-west o kanluran hanggang sa timog-kanluran.
Sinasabing higit na masiyahin, maharot, kumikero at malakas ang loob ng Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.
Bukod sa pagiging malakas ang loob, pangunahing katangian din ng Unggoy ang flexibility kung saan ‘ika nga, pangkaraniwan nang makikita ang Unggoy na masayang uugoy-ugoy sa mataas na punong-kahoy. Kaya naman sa pagiging flexible niyang ito sa bawat hamon ng kapalaran, ang Unggoy ay hindi agad-agad maitutuwad ng mga problema at suliranin, tulad ngayong may COVID-19 pandemic kung saan matatagpuan pa rin ang Unggoy na palaging matatag at masaya.
Dahil nagtataglay ng likas na masiyahing personalidad, maharot at kumikero, karamihan sa mga Unggoy ay risk-taker, mahilig sa pakikipagsapalaran at walang ingat. Dahil dito, kadalasan ay nagagawa nilang mag-invest o magnegosyo kahit walang gaanong puhunan, o sabi nga nila ay “laway lang ang puhunan”. Ang ibang mga Unggoy ay nagtatagumpay sa ganitong uri ng negosyo, ngunit may mga pagkakataon ding ang ibang mga Unggoy ay napapahamak dahil ang mga tinanguan nilang produkto sa isang kliyente nila, kung minsan ay sumasablay silang hindi naide-deliver, kaya naman sila ay malimit masuot sa mga legal na usapin. Ngunit sa kabilang dako naman nito, tulad ng nasabi na sa itaas, dahil mahusay din sa pakikipag-usap at pakikipagbolahan ang Unggoy, ang malalaking venture na ito o pakikipag-deal sa mga dambuhalang transaksiyon na walang anumang puhunan ang siya namang ikinayayaman niya.
Bukod sa mahusay magsalita, kumikero, maboladas at masayang kasama, nagagawa rin ng Unggoy na makapag-adapt sa lahat ng uri ng mga tao, sitwasyon at pangyayari, at dahil sa taglay nilang kakaibang talino, karamihan sa mga Unggoy, kahit may pandemya ay hindi nawawalan ng trabaho o gawain na pinagkakakitaan nila, na hindi gaanong nahihirapan, dahil masaya sila habang ito ay ginagawa.
Dagdag pa rito, ang ikinaganda pa sa Unggoy, kayang-kaya nilang pasukin ang isang bagay o gawaing hindi nila masyadong alam. Madali niya itong natututunan at nakukumbinsi niya ang mga nanonood sa kanya na aakalaing alam na agad niya ang isang bagay na ngayon pa lang niya ginawa o nahawakan.
Sa mga panahon ng kapalpakan, dahil masarap kasama ang Unggoy, bagama’t halimbawang may nagawa siyang pagkakamali, sa umpisa ka lang magagalit o magtatampo sa kanya dahil sa bandang huli, hindi mo rin naman magagawang mawalan ng isang tauhan, kaibigan o kasama, na nagtataglay ng animal sign na Monkey, kung saan alam at batid n’yong lahat na kapag nawala ang Unggoy sa inyong grupo o sirkulo ng samahan, ikalulungkot ito ng buong barangay.
Itutuloy