Dear Roma Amor - @Life & Style | August 6, 2020
Dear Roma,
Tawagin mo na lang akong Jake, 32, at may girlfriend ako na 25-anyos. Kung tutuusin, pareho na kaming nasa edad, ngunit pakiramdam ko ay wala sa edad ang pagpasok sa relasyon at pagpapamilya.
Sumulat ako dahil hindi ko na rin alam ang dapat kong gawin. Hindi tanggap ng aming pamilya ang relasyon namin. Sinusubukan naming maging maayos ang lahat, lalo pa at nalaman naming buntis siya. Dahil hindi kami tanggap ng pamilya ng isa't isa, nagpasya kaming bumukod. Walang problema sa pera dahil pareho kaming may hanapbuhay, ngunit napapadalas ang alitan namin dahil sa mga salita ng iba, lalo na ng kani-kanyang partidos.
Tama ba na ituloy namin ang aming pagsasama gayung hindi na rin kami magkasundo at palaging nag-aaway? Handa akong panagutan ang bata, ngunit pakiramdam ko ay masyado nang toxic ang relasyon namin. Ipinaglalaban ko siya, pero marahil, kahit sino ay susuko, lalo na kung ang ipinaglalaban mo ay hindi ka kayang ipaglaban. Mahal ko siya, Roma, pero ipinararamdam niya sa akin na hindi na siya masaya sa piling ko. Sakaling bitawan ko siya ay mahanap niya ang lalaking makapagpapasaya sa kanya.
Tama ba na ipagsiksikan ko pa ang sarili ko sa babaeng hindi na masaya sa akin o tama ang iniisip kong hiwalayan na siya para sa sarili niyang kaligayahan? –Jake
Jake,
Sa totoo lang, napakahirap ng sitwasyon mo, gayung may paparating kayong supling. At ito ang isa sa dapat na ikonsidera kung ipagpapatuloy n’yo ang inyong relasyon. ‘Ika nga, mahirap magpalaki ng anak kung magkahiwalay ang mga magulang, pero hindi ba, mas mahirap ‘pag lumaki ang bata nang buo ang pamilya, pero hindi niya nakikitang nagmamahalan ang kanyang mga magulang?
Pag-usapan n’yong mabuti kung ano ang mangyayari sa inyong relasyon dahil this time, hindi lang kayo magde-desisyon para sa inyong mga sarili kundi pati na rin sa inyong magiging anak.
‘Wag mong madaliin ang pagde-desisyon at isipin mo rin ang kalagayan ng iyong GF gayung buntis siya. Kaya mo ‘yan, good luck!