Dear Roma Amor - @Life & Style | August 18, 2020
Dear Roma,
Ako si Yumi, 20. Mayroon akong gustong lalaki pero nakilala ko lang siya sa Facebook. Hindi ko pa siya nakikita sa personal, pero pakiramdam ko ay nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Madalas kaming magka-chat, pero never pa kaming nag-video call dahil ako rin ang may ayaw dahil baka ma-turn off siya sa akin. Ilang beses na siyang tumawag, pero binababa ko dahil nga takot ako na ma-turn off siya at 'di na ako kausapin. 31-anyos na siya at kung tutuusin, 11 years ang agwat namin, pero wala naman siguro sa edad ang love, 'di ba? Hindi ko alam kung may nararamdaman din siya para sa akin dahil halos 7 years na kaming magka-chat pero parang wala lang sa kanya. Ano ba ang dapat kong gawin, Roma?
– Yumi
Yumi,
Bihira ang ganyang haba ng panahon para sa isang magka-chat, considering na hindi pa kayo nagkikita nang personal. Kung nasasaktan ka dahil parang wala lang sa kanya ang panahon na nagkausap kayo, dapat malaman mo kung dapat pang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa kanya. Siguro, it’s time to take a risk at umamin sa nararamdaman mo dahil dito mo malalaman kung ano rin ang kanyang nararamdaman para sa iyo.
‘Wag mong isipin ang magiging reaksiyon niya, gayundin, ‘wag kang matakot na ma-turn off siya sa iyo dahil ang importante ay masabi mo ang iyong nararamdaman. Kung mutual ang feelings n’yo, worth it ito, pero kung hindi, baka mas mabuting mag-move on ka na lang at ‘wag mag-aksaya ng panahon sa taong hindi interesado sa iyo.
Sabi nga nila, ang unang hakbang ang pinakamahirap, pero once na magawa mo ito, magiging madali na ang mga susunod na steps para sa iyo. Good luck!