Dear Roma Amor - @Life & Style | August 29, 2020
Dear Roma,
Ako si Abi, 28 at bread winner ng pamilya. Hirap na hirap na ako sa sitwasyon ng aming pamilya ngayong may pandemic. Isa akong minimum wager, kaya masasabi kong napakaliit ng suweldo ko, tapos ngayon, ilang araw na lang ang ipinapasok ko sa trabaho kaya ang maliit kong kinikita ay lalo pang lumiit. May naipon naman ako, pero unti-unti na ‘yung nabawasan dahil sa patung-patong na bills at iba pang gastusin. Kahit super-tipid namin, hindi ko na talaga kayang suportahan ang pamilya ko, tapos may kapatid pa akong estudyante. Roma, hirap na hirap na ako, ano pa bang dapat kong gawin?
– Abi
Abi,
Sa totoo lang, hindi ka nag-iisa dahil for sure, marami ring iba r’yan na kapareho mo ng pinagdadaanan. Tulad ng sinabi mo, nabawasan ang araw ng pasok mo kaya sa mga araw na wala kang trabaho, subukan mong mag-sideline. Halimbawa, kung may kaibigan o kakilala kang naghahanap ng reseller o tutulong sa kanya na magtinda, subukan mo dahil wala namang mawawala. Gayundin, kung may magaling magluto ng ulam sa inyo, puwede ka ring magsimula rito. Oks lang ‘yan kahit malayo sa nakasanyan mong trabaho dahil ang importante, kikita ka sa malinis na paraan at madadagdagan ang pantustos mo sa iyong pamilya. Okie? Good luck!