ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 16, 2024
Dear Sister Isabel,
Gusto ko sanang humingi ng payo tungkol sa nalalabi ko pang panahon dito sa mundong ibabaw.
May cervical cancer ako. Ang sabi ng doktor, isang buwan na lang ang itatagal ko. Dumaan na ako sa kung anu-ano’ng proseso para gumaling ang sakit ko, pero lalo lang akong nanghina. Ayoko pang mamatay, Sister Isabel. Pero, tanggap na ng magulang at mga kapatid ko na papanaw din ako, at binibigay na nila lahat ng bagay na makakapagpasaya sa akin, ngunit hindi ko pa rin ito matanggap.
Ano ba ang dapat kong gawin upang buong tapang kong harapin ang katotohanan na hindi na ako magtatagal dito? At paano ko po ito matatanggap?
Nawa’y mapalubag n’yo ang kalooban ko. Hihintayin ko ang sagot n’yo sa lalong madaling panahon.
Nagpapasalamat,
Mathew ng Tarlac
Sa iyo, Mathew,
Ganu’n talaga, may hangganan lahat dito sa mundo. Walang permanente rito, dahil nakikitira lang tayo rito sa daigdig na ito.
Kaya habang nandito ka pa, gumawa ka ng mga bagay na kalugud-lugod sa Diyos upang sa langit ka mapunta. Tanggapin mo na kung tinaningan ka na ng doktor, pagsisihan mo lahat ng nagawa mong kasalanan, at humingi ka ng tawad sa mga taong nagawan mo ng kamalian.
Sa langit, wala kang gutom, uhaw, at lungkot na madarama, dahil doon ay puro kaligayahan. Lahat ‘yan ay mararanasan mo sa kabilang buhay kung namumuhay ka ng naaayon sa kalooban ng Diyos.
Una-unahan lang ang buhay sa mundo. Lahat ng tao ay papanaw sa takdang panahon.
Harapin mo ito ng buong katatagan, magpasalamat ka rin sa Diyos, dahil ‘yung iba ay namamatay nang biglaan, at hindi man lang nakakahingi ng tawad sa mga taong nagawan nila ng kasamaan. Dahil doon, tiyak na sa purgatoryo o impiyerno ang kanilang hantungan.
Pinapaalala ko rin sa iyo, physical body mo lang ang mamamatay, dahil buhay na buhay pa rin ang iyong kaluluwa na nakatunghay sa mga mahal mo sa buhay na maiiwanan mo. Puwedeng-puwede ka nilang maging anghel. Ganyan ang magiging role mo kung ikaw man ay pumanaw na sa mundo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo